OFW na nasunog ang balat matapos makuryente sa Jeddah, nakauwi na ng Pilipinas
Matapos ang halos dalawang taong paghihintay, nakauwi na rin sa Pilipinas si Alfredo Salmos, ang overseas Filipino worker sa Jeddah, Saudi Arabia na nagtamo ng matinding sunog sa katawan matapos nakuryente habang nagtatrabaho noong 2010. Sakay ng Saudi Arabian Airlines flight SV872, umalis ang eroplanong sinakyan ni Salmos dakong 9:00 p.m. nitong Lunes at dumating sa Ninoy Aquino International Airport nitong Martes ng tanghali. Basahin: (VP Binay: Pinoy electrocuted in Saudi to come home to PHL soon) Sa panayam kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Welfare Officer Segundino Coretico, sinabi nito na naipaalam na nila kay OWWA Administrator Carmelita Dimzon ang pag-alis ni Salmos sa KSA at papunta na ito sa Pilipinas. Masaya naman ang iba’t ibang organisasyon ng mga Filipino sa pag-uwi ni Salmos sa Pilipinas. Umaasa si Atoy Esguerra ng Kaagapay ng Bawat OFW, na matutulungan din si Salmos na maipaopera ang tinamo nitong sunog sa katawan para mapaghiwalay ang pagkakadikit ng kanyang mukha at dibdib. Isang araw bago umalis ay pinasalamatan ni Salmos ang lahat ng mga kababayan sa KSA na nag-alaga at tumulong sa kanya. Una rito, iniulat na hindi ipinaalam ni Salmos sa kanyang mga kamag-anak sa Pilipinas ang matinding pinsala sa katawan na tinamo nito sa aksidente habang nagtatrabaho. – Ronald Concha/ FRJ, GMA News