Filtered By: Topstories
News

Ilang lider ng Kamara, hindi sang-ayon sa pagpapatupad ng same-sex marriage


Tinanggihan ng ilang pinuno ng House of Representatives nitong Linggo ang ideya na kilalanin sa pamamagitan ng batas ang same-sex marriage sa Pilipinas.   Ayon kay House Majority Leader Neptali Gonzales II, hindi pa posibleng ipatupad ang gay marriage sapagkat karamihan sa mga Pilipino diumano ay "generally conservative."   “I am of the opinion that at the moment, or even in the near future, it’s a no-no situation for same-sex marriage in the Philippines,” ani Gonzales.   Sinang-ayunan naman ito ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. sapagkat ang Pilipinas umano ay "not yet ready" sa pagpapatupad ng same-sex marriage.   Hindi rin pabor si Belmonte sa pagpasa ng batas para rito dahil nais niyang panatalihin ang depinisyon ng kasal sa ilalim ng Family Code ng Pilipinas, kung saan nakasaad na ang "marriage" ay isang kontrata sa pagitan ng babae at lalaki.   Nagkomento ng mga lider ng Kamara matapos maglabas ng pahayag si United States President Barack Obama sa kanyang pagsuporta sa gay marriage.   Ayon kay Obama, dapat tratuhin ng patas ang lahat ng pares. Sa kabila nito, hahayaan ni Obama ang mga estado na bumubuo ng US na magdesisyon kung ipapanukala ang same-sex marriage sa kani-kanilang lehislatura.   Kasalakuyang hindi pa legal ang gay marriage sa Pilipinas.   Implikasyon ng pagpapakasal   Samantala, si Pangulong Benigno Aquino III naman ay naniniwalang maaaring magpakasal ang mga gay couple, ngunit mayroon siyang alinlangan sa aspeto ng pag-adopt ng mga gay couple ng anak.   "I don’t think I’m ready to tackle that fight right now. But the perspective… it is their choice," sina Aquino sa kanyang talumpati sa Asia Society Forum in New York noong Setyembre 2011 nang bumisita siya sa Amerika. "Normally I would say, you’re adults, you should be able to do whatever you want so long as it doesn’t hurt anybody else. But if the next step is we want the right to adopt, then, I would be in a dilemma," dagdag niya. Ang kapakanan ng bata ang matimbang para kay Aquino. "My priority would be looking after the child who has a very tender and impressionable mind," ayon sa Pangulo.   Inakusahan naman ni Gabriela Women's party-list Rep. Luzviminda Ilagan si Aquino na “detached from the needs of his people" sa hindi niya paglalahad ng kanyang pwesto sa isyu ng gay marriage.   “He [Aquino] is two-faced, saying he is pro-people, but bows to the pressure of the conservative Catholic Church,” kanyang inihayag sa hiwalay na talumpati.   Co-author ang mambabatas sa dalawang kontrobersyal na panukala na tinutulan ng Simbahang Katoliko: House Bill 1799 o ang panukalang pagpapatupad ng divorce sa Pilipinas, at House Bill 4244 o ang reproductive health (RH) bill. Isang taon nang nakabitin ang dalawang panukalang ito.   Naghain ng mosyon laban sa diskriminasyon base sa sexual orientation at gender identity (House Bill 1483) si Bayan Muna party-list Rep. Teodoro Casiño noong Nobyembre sa House committee on women and gender equality. — Amanda Fernandez/ELR, GMA News

Tags: gaymarriage