Dengue ng isang manlalaro sa ‘Palaro’, ‘di nakuha sa Pangasinan
Inoobserbahan pa rin sa Provincial Hospital ng Pangasinan dahil sa dengue ang isang atleta na kasali sa Palarong Pambansa na idinaraos ngayon sa lalawigan. Ngunit paglilinaw ng mga duktor, sa ibang lugar nakuha ng pasyente ang naturang sakit. Sa ulat ni GMA-Dagupan reporter Charisse Victorio sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabi ni Dr Policario Manuel, hepe ng Pangasinan Provincial Hospital, na masusing binabantayan ang kalagayan ng 12-anyos na si John Bryan Otico. Si Otico ay kinatawan ng delegasyon ng Region 10 para sa larong lawn tennis. Napag-alaman na bago pa man makarating sa Pangasinan si Otico mula sa Bukidnon ay nilalagnat na ito. Umaasa naman si Otico na bubuti na ang kanyang kalagayan para makapaglaro na siya. Nasa ospital din ang 14-anyos na manlalaro ng Region 3 na si Rose Jean Obeyas. Sumakit umano ang tiyan nito matapos na maglaba, ilang oras makaraan namang sumabak sa 100-meter run. Sa may 10,000 kalahok sa Palaro, 32 manlalaro na ang ginamot ng mga medical staff ng provincial health office dahil sa mga minor injuries na tinamo nila sa mga sinalihang kompetisyon. Tiniyak naman ng pamunuan ng Palaro na masusi nilang binabantayan ang kaligtasan ng mga kalahok sa kompetisyon na magtatapos sa Sabado. -- FRJ, GMA News