K+12 Program: Dagdag na 2 taon sa pag-aaral, 'di raw dagdag pahirap kundi 'investment'
Sa harap ng gagawing pagpapatupad ng Department of Education (DepEd) ng programang K+12 sa mga pampublikong paaralan sa darating na pasukan, may ilan pa ring magulang ang nag-aalala. Narito ang panayam ni Ivan Mayrina ng GMA News TV’s On Call kay DepEd Assistant Secretary Toni Umali upang ipaliwanag ang ilang katanungan ng mga magulang: Ivan: Ito ho 'yung unang reklamo ng mga magulang, as it is yung sampung taong basic education, hirap na nilang igapang, dadagdagan pa ng dalawang taon. Ano po ba ang objective nitong K+12? Umali: Ang objective po ng K+12 ay gawin nating mas handa ang ating mga mag-aaral kapag ito ay magtapos ng high school. Parati pong sinasabi ni Kalihim Bro. Armin Luistro na nais nating maging handa ang ating mga mag-aaral sa mundo ng pagtatrabaho. Kung nais na nilang magtrabaho at hindi agad magtutuloy ng kolehiyo. O kaya'y, upang maging handa sa mundo ng pagnenegosyo. O kaya'y, upang mas maging handa para sa kolehiyo mismo. Ito po ay hindi dagdag pahirap dahil ito po ay magiging libre sa mga nais pumasok sa pampublikong paaralan. Ivan: But of course, nandiyan din po ang mga baon, pang-araw-araw na pamasahe, iyon po siguro ang iniisip ng mga magulang. Umali: Tama po iyon, kaya nga po sinasabi ni Kalihim Bro. Armin Luistro na dapat tingnan natin ito na parang investment po natin sa edukasyon. Sa kasalukuyan ang atin pong pananaw, kinakailangan pong magtapos ang ating kabataan o mag-aaral ng kolehiyo para lamang po makapagtrabaho. Nais pong baguhin ni Kalihim Bro. Armin Luistro at Pangulong Noynoy (Aquino III) ang ganitong pananaw. Dahil po sa ating gagawin, bibigyan po natin sila ng basic competencies na kailangan upang makapagtrabaho po sila. Junior high school pa lamang, maaari na po sila makakuha ng certificate of competency level 1 basta ma-satisfy lang ang requirements ng TESDA. Senior high school, level 2, maaari na silang magtrabaho matapos ito. Ivan: Kumbaga, after basic education, may laban na. Sino po ba ang sakop nito? Tuloy na po ba ito this coming school year? Tama po ba ito? Sino po ba ang maapektuhan nito, yung incoming grade 6 ngayon? Umali: Sakop po sila. Ang masasakop po talaga ay ang incoming first year high school sa atin pong pampublikong paaralan. Kapag sinabi po nating ipatutupad na, ipatutupad na ang bagong curriculum para sa grade 1 curriculum lamang, kindergarten, at grade 7 o first year high school lamang. Hindi pa po tayo magdaragdag ng dalawang taon. Sinabi ko po, sa mga pampublikong paaralan, pagpasok po ng first year high school, sila po ang maapektuhan sapagkat sila po ang first batch of grades 11 to 12 graduates natin sa 2016 hanggang 2018. Ivan: Sino po 'yung mga madagdagan ng extra years? Umali: Yung incoming first year high school o grade 7 this school year 2012 to 2013. Ang ibig sabihin po niyan, ang incoming second year, 3rd year at fourth year, sila po ang gagraduate sa dati pong bilang ng taon na pinapasukan nila. Ivan: May mga question din pong nire-raise tungkol sa kahandaan, readiness ng DepEd to implement something like this. Kasi at it is, marami po tayong pagkukulang, are we not biting more than we can chew pagdating sa implementation ng K-12? Umali: That is a very valid concern, kaya nga po, sinasabi po ni Kalihim Bro. Armin Luistro, itong mga kasalukuyang kakulangan po natin sa silid-aralan, guro, aklat, nais po nating tugunan sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon. At tulad ng nasabi ko po ko kanina, dahil itong karagdagang taon na ating ipatutupad, grades 11-12, ay mangyayari po lamang ng 2016 to 2018. Mayroon pa po tayong apat na taon para paghandaan ito. Tayo po ay patuloy na naghahanda. Ivan: Malinaw po iyan. Siguro ho sa mga may agam-agam na mga magulang sa programa, like anything new, may mga resistance diyan, may worries, paki-address na lamang po. Umali: Tayo po ay nananawagan sa ating mga magulang nang pang-unawa. Sana po, unawaan po natin ito pong programang nais pong ipatupad ng pamahalaan, ng kagawaran ng edukasyon ay upang matulungan po ang ating mga kabataan. Nais po nating ipantay ang sistema ng edukasyon, hindi lamang po sa buong Asya, kung hindi sa buong mundo. Nais po nating hikayatin ang ating mga magulang na maging mapanuri at magsaliksik sa kabutihang amin pong laging sinasabi. I-research po natin, i-Google po natin sa internet: ano po ang kabutihan, ano po ba ang tunay na kalidad ng sistema ng edukasyon na mayroon tayo kumpara ang ibang bansa at paano po ito makatutulong sa ating bansa. Ivan: Maraming salamat kay kay DepEd Assistant Secretary Toni Umali. – Amanda Fernandez/ FRJ, GMA News Infographic: Ano ang K+12? Makakain ba yan?