Kontraktwalisasyon, mababang sahod binatikos ng ilang church leaders
Binatikos ng ilang lider ng Simbahang Katoliko ang patuloy na paglaganap ng kontraktwalisasyon at ang mababang pasahod sa mga manggagawa sa bansa. Sa ulat ng Radio Veritas, sinabi nina Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez at Sorsogon Bishop Arturo Bastes na maituturing na pang-aabuso ang hindi pagbibigay ng tamang sahod sa mga manggagawa at ang nakagawiang kontraktwalisasyon ng ilang kumpanya sa Pilipinas. Ayon kay Gutierrez, hindi matustusan ng mga manggagawa ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng minimum wage na tinatanggap nila sa ngayon. “Kailangan ang ating sweldo sa obrero should be able to support the families. Dapat wala na iyong mga contructualization kasi that is not only illegal but also immoral and that is exploitation of workers,” ayon naman kay Bastes. Wage hike Samantala, binigyang-diin naman ni Fr. Anton Pascual, president at CEO ng Radio Veritas, ang panukalang P125 legislated wage hike para sa minimum wage earners, upang mapunan umano ang kanilang daily cost of living allowance (COLA). Sa kanyang Labor Day speech noong Martes sa Malacañang, tinanggihan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagpapatupad sa dagdag P125 na minimum wage sapagkat maaari umano itong magresulta sa pagkatanggal ng mahigit 527,000 empleyado sa kanilang trabaho. Ayon kay Aquino, maaaring umabot ng P1.43 trilyon bawat taon ang gagastusin ng mga industriya kung ipatutupad ang P125 na umento sa sahod ng 40 milyong manggagawang Pilipino. “Paano po ito babawiin ng mga magbabayad tulad ng mga negosyante? 'Di po ba itataas nila ang presyo ng mga produkto at serbisyo o 'di kaya ay magko-cost cutting tulad ng pag-lay off sa mga empleyado?” aniya. “May nagpaliwanag ba na may mahigit 527,000 na Filipino ang pwedeng mawalan ng trabaho sa taong ito at sa susunod na taon 'pag ipinatupad ang ganitong klaseng mungkahi,” dagdag niya. Aminado si Fr. Pascual na apektado rin ang mga kumpanya sa pinapanukalang wage hike ngunit naniniwala siyang nararapat ito isagawa upang makapamuhay ng disente ang mga mangagagwa sa bansa. Para sa kanya, maaari umanong ibigay ng paunti-unti ang P125 dagdag sa minimum wage upang hindi mabigla ang mga employer. “Pwede namang ibigay 'yun ng pautay-utay kung talagang mahihirapan ang over-all macro economics ng ating mga negosyante," pahayag ni Fr. Pacual. Minimum wage Samantala, inihayag din ni Pangulong Aquino sa kanyang Labor Day speech na mas mataas ang minimum wage ng Pilipinas kung ikukumpara sa mga kalapit-bansa. “Paalala lang po, sa sitwasyon ngayon malayo na tayo sa ating mga karatig-bansa. Sino po ba ang nakaaalam na 'di hamak na mas mataas ang minimum wage sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa Asya,” aniya. Ayon kay Aquino, umaabot ng $9 hanggang $10 ang minimum salary sa bansa habang sa Cambodia naman ay $2 lamang. Samantala, umaabot ng $2.24 hanggang $3.21 ang minimum wage ng Vietnam at ang Indonesia naman ay $3.05 hanggang $5.27 lamang. “Kung lalayo pa po ang agwat natin sa kanila, sino ba namang dayuhang negosyante ang mangangahas pang mamuhunan dito sa atin dahil sa Cambodia $2 dollars, sa atin ay $9 ang minimum,” aniya. “Baka po maantala pa ang nararanasan nating paglago ng ekonomiya,” dagdag niya. Binanggit din ng Pangulo ng pananatiling stable ng presyo ng basic commodities sa bansa sa kabila ng sunod-sunod na oil price hikes. “Di po ba (dati) 'pag napabalita ang taas ng presyo ng langis kinabukasan, ngayon pa lang ay nakapila na ang pagtaas ng presyo ng bigas, de lata at iba pang bilihin? Pero ngayon, habang nagrereklamo na ang maraming bansa sa sabay na pagtaas ng presyo ng langis at halos lahat ng basic commodities, sa Pilipinas naman po napapanatili nating stable ang presyo ng maraming bilihin,” aniya. “Magtataasan po lahat 'yan kung ikokompromiso natin ang stabilidad ng sahod na mayroon tayo ngayon,” dagdag niya. Patuloy namang iginiit ni Pascual na hindi sapat ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa sa Pilipinas. “Ang sweldo kasi sa Pilipinas ay hindi pa talaga just wage 'yan, eh. Ang sinasabi ng Simbahan ay ang minimum wage ay 'di pa just wage, hindi pa nga yan family wage," aniya. Ang itinuturo ng Simbahan ay dapat ang sweldo ng ordinaryong manggagawa ay makatutustos ng isang pamilya kaya’t hindi ito dapat minimum, ito ay dapat just wage na kayang tustusan ang isang pamilya," dagdag pa niya. — LBG, GMA News