Filtered By: Topstories
News

Publiko hinikayat vs pagtatapon ng upos ng sigarilyo sa dagat


Nanawagan ang isang environmental group sa gobyerno na pagtuunan ng pansin ang umano’y pagkakalason ng mga isda at iba pang yamang dagat dulot ng iresponsableng pagtatapon ng upos ng sigarilyo sa karagatan. Sa ulat ng 'Balitanghali' ng GMA News TV nitong Lunes, sinabi ng Framework Convention on Tobacco Control Alliance Philippines (FCAP) na matindi ang pinsalang dulot ng pagtatapon ng upos ng sigarilyo sa dagat. Sa datos ng environmental group na Ocean Conservancy noong 2011, halos one-third ng basurang nakalap mula sa kanilang annual coastal cleanup sa buong mundo ay mga upos ng sigarilyo. Ayon kay Dr. Maricar Limpin, executive director ng FCAP, kinakailangang higpitan ang batas upang mapangalagaan ang kalikasan. "Taasan ang tax ng sigarilyo and secondly, kailangang ipa-implement at i-enforce 'yung control and regulation of the use of tobacco... ipa-implement din 'yung anti-littering," aniya. Ayon naman sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), matagal na nilang tinututukan ang isyung ito.   "Matagal na po naming hinihingi 'yan. It should be part of the Solid Waste Management Program of the LGU (local government units). Any waste naman, hindi lang cigarette butts, any waste, kailangang makolekta," ani DENR Secretary Ramon Paje. Third-hand smoke Ayon naman kay Department of Health (DOH) Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, mayroong plastic content ang mga upos na sigarilyo kaya aabot ng 10 taon bago ito tuluyang matunaw. Ito umano ang nakakain ng mga isda. Samantala, paalala ng DOH, kinakailangang maging maingat sa pagtatapon ng upos ng sigarilyo — sa dagat man o sa kalsada — sapagkat malaki ang nagiging epekto nito sa mga tao. "'Yung mga kumapit, kunwari sa sasakyan, iyon ang third-hand [smoking]. May epekto ang lahat ng iyon. Although hindi kasing-tindi ng primary at secondary [smoking], lumalabas sa pag-aaral na gayunparin ang epekto," ani Tayag. – Amanda Fernandez/KBK, GMA News