Filtered By: Topstories
News

US Embassy seal sinira ng mga raliyista


Isang lightning rally ang isinagawa ng ilang militante sa harap ng US Embassy sa Maynila ilang oras bago magsimula ng RP-US Balikatan joint military exercises nitong Lunes ng umaga.   Ayon sa ulat ng radio dzBB, nagawang sirain at sabuyan ng pula’t asul na pintura ng mga raliyista ang US Embassy seal na matatagpuan sa tabi ng main gate ng embahada.   Wala raw nagawa ang mga security personnel sa loob ng embahada kundi panoorin ang mga raliyista, na tinatayang aabot sa 50. Ayon pa sa ulat, walang Manila police o crowd control unit sa lugar nang maganap ang rally. Ilan sa mga raliyista ay may placards kung saan nakasulat ang:  "Defend national sovereignty!" "Junk VFA!" and "US troops out now!" Pinirmahan ang VFA o Visiting Forces Agreement noong 1999. Ito ang basehan ng pakikilahok ng mga sundalong Amerikano sa military exercises sa bansa. Sa inisyal na imbestigasyon, nagkunwari umanong nagjo-jogging lamang ang mga militante malapit sa embassy ngunit sa kalaunan, nagsama-sama sila at nagsagawa ng rally. Gamit ang spray-paint, isinulat ng mga rallyista ang "US troops out now" sa harap ng embassy habang sinunog naman ng iba ang isang American flag. Samantala, natamaan din ang isang cameraman sa pinturang itinapon ng mga miltante sa embassy. Nag-martsa paalis ng embassy ang mga raliyista matapos ang 30 minuto. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News