Filtered By: Topstories
News

Marilag Festival sa Laguna, idinaos sa kauna-unahang pagkakataon


Upang ipagdiwang ang pag-unlad ng kanilang bayan, idinaos mula Abril 10 hanggang 12 ang kauna-unahang "Marilag Festival" sa bayan ng Santa Maria, Laguna. Hango sa mga salitang MARIA at LAGUNA, ang MARILAG ay na nangangahulugan din na "maganda" o "dakila," ayon sa kanilang mayor. Sa tatlong araw na pagdiriwang, inaasahan ng mga residente mula sa 25 barangay ng Santa Maria na makilala at mapamalas ang kagandahan ng kanilang bayan at ang kanilang mga produkto. "Celebration ito ng mga tao sa Santa Maria at saka invited din ang mga katabing bayan. At syempre, kahit ang mga taga-Maynila at iba pang lugar, welcome po silang maki-celebrate po dito sa amin," ani Santa Maria Mayor Antonio Carolino. Kakanin Isa sa mga itinampok sa pagdiriwang ang kanilang mga produktong gawa mula sa bigas. Ayon kay Mayor Carolino, matatagpuan sa kanilang bayan ang pinakamalaking rice granary sa buong Laguna. Mahigit 1,200 hectares na lupain ang ginagamit sa pagtatanim ng palay.

Tila ginto kung maituturing ng mga residente ng Santa Maria ang palay sapagkat ito ang kabuhayan para sa karamihan sa kanila. Amanda Fernandez
Dagdag niya: "Nagsimula na nitong Abril ang anihan ng palay at magtatapos ito sa Mayo, kaya celebration na rin namin ito ng harvest season."
Matatagpuan sa bayan ng Santa Maria ang pinakamalaking rice granary sa buong Laguna. Amanda Fernandez
Sa naganap na pagdiriwang, maliban sa pagbebenta ng bigas, ipinamalas din ng mga residente ng bawat barangay ang kanilang mga gawang kakanin tulad ng kalamay, suman, sinukmani o biko, bibingka at pinaltok, na gawa sa palay.
Biko ng Sta. Maria. Amanda Fernandez
Ayon kay Arnel Magpili, opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) na dumalo sa unang araw ng pagdiriwang: "Gusto natin, makilala ang Santa Maria sa rice products. So kailangang ma-improve pa talaga siya." Isa umano sa problema na dapat matugunan sa pagbebenta ng kakain ay ang pag-improve ng shelf life nito. Inihalimbawa ni Magpili ang mga buko pie mula sa Laguna. Sa ngayon, dahil nagawan ng paraan upang pahabain ang shelf life, nai-export na ang mga ito. Samantala, buong pinagmamalaki ng mga residente ang kanilang bigas. Ayon sa isa sa kanila: "Ang masasabi po namin, ang Marilag Rice ay masarap at medyo mura. " Kasalakuyan, sa Laguna pa lamang ibinibenta ang Marilag Rice ngunit nagsasagawa na umano sila ng ilang pamaraan upang maging comercialized ito. Marilag Coffee Itinampok din sa tatlong araw na pagdiriwang ang Marilag Coffee na gawa mula sa coffee beans na kanilang itinanim.
Sariling tanim ng mga residente ng Santa Maria ang ginagamit sa paggawa ng kape. Amanda Fernandez
Ayon kay Magpili, malaki ang potensyal sa pagtagumpay ng Marilag Coffee. Ngunit giit niya, kinakailangan nito magkaroon ng sariling identidad o kalidad upang maging kakaiba ito. "Ano ang kaka-ibang feature ng Marilag coffee sa Cafe Barako ng Batangas? Kailangan ng distinct taste. 'Yung kape nila kaka-iba," aniya. Kinakailangan pang paghusayin ang packaging upang maaaring ma-comercialized, ayon sa DTI official. Payo ni Magpili, kinakailangan pang paghusayin ang packaging ng kanilang kape upang mahikayat ang mga tao bumili sa kanilang produkto. "So kailangan pang i-improve ang packaging. At the same time, syempre para ma-enganyo ang mga tao, magkaroon sila ng free taste. Promotional awareness," aniya. Virgin falls Maliban sa kanilang mga produktong gawa ng bigas, naisipan ng kanilang mayor na gamitin ang natural na yaman ng bayan upang umunlad ang turismo sa kanilang bayan. Sa isang sikretong sulok ng Barangay J. Laurel mayroong matatagpuan na nakatagong paraiso, ang Three Falls. Ayon kay Mayor Carolino: "May mga falls kasi kami dito na dini-develop namin ngayon. Maganda 'yung lugar kasi comparatively parang virgin forest pa siya e. Marami pang punong malalaki tapos may falls. At hindi pa masyado napupunta ng mga tao. Nilgyan namin ng concrete trail, mga steps lamang kasi ayaw naming maapektuhan ang nature. Gusto namin ma-enjoy ang nature nang hindi nasisira."
Matatagpuan ang malaparaisong lugar na ito sa Brgy. J. Laurel, sa bayan ng Santa Maria. Roehl Niño Bautista
Kasalakuyang itinatayo ang Marilag Eco Park na magsisilbing tourist destination sa mga nais makita ang Three Falls. "Inaasahan nating maraming pupunta rito hindi lamang mga taga-Santa Maria, kun'di pati na rin sa ibang lugar," aniya. Iginiit ng mayor ang kahalagahan sa pananatili ng kaayusan at kagandahan ng lugar. Aniya, "Doon sa mga taga-Barangay Laurel, lalo na sa kanilang kapitan at sa mga nanunungkulang opisyal sa barangay at pati 'yung mga taga-dito mismo, ating pangalagaan ang ating likas na yaman." "Kung hindi tayo matututong pangalagaan ito, ay panandalian lang ang pakinabang natin sa lugar na ito. Dapat ito ay panghabambuhay at pangmatagalan ang gagawin ang pagde-develop sa Barangay Laurel. 'Yung mga makakasira sa kalikasan, ating iwasan," dagdag niya. Samantala, nangako na si Magpili upang tulungan ang pagpapakilala sa mga produkto at tourist destination ng Santa Maria. Sa katunayan, mapapabilang ang bayan sa isang festival, sa pamumuno ng DTI para sa buong Laguna. Aniya, "Ito 'yung festival of all festivals dito sa Laguna. So iso-showcase dito ang famous products and services and tourist destination ng bawat bayan." Dagdag niya, "DTI ang sponsor. April 20-29 sa Santa Cruz sa provincial ground ng Laguna. Bawat bayan, mayroong booth to showcase their products." Maaaring bumisita sa website ng Municipality of Santa Maria para sa mga karagdagan pang impormasyon: http://www.santamarialaguna.gov.ph/
— LBG, GMA News