Ilang biktima ng bagyong ‘Sendong’ sa Iligan, nabigyan ng bagong tahanan
Tatlong-daang pamilya na naging biktima ng bagyong "Sendong" na nasasakop ng Diocese ng Iligan ang napagkalooban ng bagong tahanan. Naisakatuparan umano ang naturang housing project sa pakikipagtulungan ng Caritas Manila at Archdiocese of Manila, ayon kay Msgr. Jemar Vera Cruz, Vicar General ng Diocese of Iligan. “Marami yung mga kababayan natin dito na natutuwa at nagagalak. Kasi this is the first time that we turn over a permanent housing for our survivors," pahayag ni Msgr. Vera Cruz sa panayam ng Radio Veritas. Sinabi nito na halos apat na buwan nang naninirahan sa mga tent ang mga naging biktima ng bagyo kaya malaking tulong ang proyektong pabahay. Sa kabila nito, patuloy ang apela ng diyosesis dahil aabot pa sa 300 bahay ang kailangang maitayo sa kanilang nasasakupan. “Patuloy tayo na nanghihingi ng tulong at patuloy tayong gumagawa ng bahay. Yung gagawin natin dito sa property ng Simbahan ay it could be 300 houses. Pero for the whole Iligan, we need to build 5,000 houses," paliwanag ni Msgr. Vera Cruz. Ikinagalak naman ni Fr. Anton Pascual, executive director at presidente ng Caritas Manila, na nabigyan sila ng pagkakataon na makatulong sa mga biktima ng bagyo. “Nawa’y mabigyan sila ng bagong dignidad, bagong pag-asa at maka-recover at makapagsimula muli sa naging epekto ni ‘Sendong’ sa kanilang buhay," dalangin ni Fr. Pascual. -- MP/FRJ, GMA News