Filtered By: Topstories
News

6 na HS student sa Marikina, pinarusahan din ng paaralan dahil sa Facebook photos


Dahil sa litratong inilagay sa Facebook na tila naghahalikan, anim na lalaking high school students ng isang Catholic school sa Marikina ang pinarusahang hindi makatatanggap ng diploma sa kanilang graduation ceremony. Sa ulat ni GMA News reporter JP Soriano sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing inilagay ng mga estudyante sa Facebook ang larawan nila na tila naghahalikan habang suot ang kanilang school uniform noong March 26. Kinabukasan, ipinatawag umano ng pamunuan ng Infant Jesus Academy ang mga estudyante, at sinabihan silang hindi makaaakyat ng stage sa graduation ceremony para tanggapin ang kanilang diploma bilang parusa. Sinabihan umano sila ng pamunuan ng paaralan na inilagay nila sa kahihiyan ang paaralan at maging ang kanilang pamilya. Bagaman aminado sa pagkakamali, tingin ng mga estudyante at kanilang mga magulang na lubhang mabigat ang parusang ipinataw sa mga ito. Sa official statement ng paaralan, iginiit nila na lumabag sa panuntunan ng paaralan ang mga estudyante. Ngunit taliwas sa “parusa" ng St Theresa’s College sa Cebu City, kunsaan hindi pinasali sa martsa ng graduation ceremony ang babaeng estudyante na nag-post umano ng picture sa Facebook nang naka-bikini, ang anim na estudyante ng IJA ay tanging sa pag-akyat lamang ng stage pinagbawalan. -- FRJimenez, GMA News