Filtered By: Topstories
News

Matinding init, problema ng mga magsasaka sa San Carlos, Pangasinan


Kabilang ang mga magsasaka sa San Carlos, Pangasinan sa mga matinding naaapektuhan ng matinding init ng panahon ngayong taon. Sa ulat ng GMA News TV Balita Pilipinas Ngayon, sinabing bigong makapagtanim ngayong Marso ang ilang magsasaka sa Brgy Gamata sa San Carlos dahil sa kawalan ng tubig na magagamit bilang patubig. Ang lupaing sakahan sa Brgy Gamata ay kabilang sa may 1.7 milyong ektarya ng lupaing pangsakahan sa bansa ang wala pa ring maayos na irigasyon. May ilang magsasaka naman sa nabanggit na barangay ang nakapagtanim ng mais at palay pero kaunti lamang umano. Dahil walang irrigation canal sa Brgy Gamata, umaasa lamang ang mga magsasaka sa naiipong tubig mula sa kalapit na sapa. Ngunit bukod sa madalang na pag-ulan, problema rin nila na nagiging mababaw na ang sapa na halos isang metro na lamang ang lalim. Ayon kay Venancio Pasaoa, presidente ng asosasyon ng mga magsasaka sa San Carlos, ginawa lang water impounding ang naturang sapa. Plano naman daw barangay council at samahan ng mga magsasaka na hukayin ang sapa para mapalalim at mas maraming tubig ang maimbak. Ilan namang magsasaka ang humihingi muna ng patubig sa mga kalapit na sakahan para hindi tuluyang matuyo ang kanilang panamin. - FRJ, GMA News