Organic lechon baboy, ibibida sa Bangus Festival sa Dagupan
Hindi na lamang mga produkto at pagkaing mula sa isdang bangus at iba pang seafoods ang ibibida sa taunang Bangus Festival sa Dagupan, Pangasinan. Sa gaganaping selebrasyon ng Bangus Festival sa darating na Abril, bukod sa mga isda ay ibibida rin ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang kanilang organic lechon baboy. Ang mga baboy na ni-lechon ay pinalaki sa pamamagitan ng pagpapakain ng mga organic product. Sa isinagawang patikim ng organic lechon, inihayag ng city government na nais nilang makilala rin ang Dagupan sa sarap ng lechon at hindi lang sa bangus at mga seafood. “Hindi lahat mahilig sa seafood. Mayroon din tayong pigar-pigar na sikat na sikat, that is baka. Wala pa tayong baboy. Ito ay launching part para ipakilala 'yung Dagupan specialty lechon sa darating na Bangus Festival," paliwanag ni Mayor Benjie Lim. Ang lechon tasting ay patikim lang sa gaganaping lechon making contest na mangyayari sa Bangus Festival na idaraos simula sa Abril 13. Sa isinagawang survey, sinabing dapat lumutang ang lutong ng balat ng lechon, malambot ng karne, ang tinatawag na juiciness nito, mabango o may aroma ang amoy at lasa, at kung papatok ito sa panlasa ng mga Dagupeño. Ayon kay Lim, kumpara sa ibang baboy, hindi masyadong mabaho at mas malasa ang organic baboy dahil walang masyadong kemikal na pumapasok sa katawan ng hayop. Sinabi ng City Agriculturist na pwedeng mag-alaga ng baboy sa mga bakuran na pakakainin ng mga organic product. Posible raw ito kahit sa coastal at urban city ng Dagupan. “Hindi nila gagastusan ng malaki ang pig pen. Pero they have to retrofit based on the requirements of technology," ayon kay Emma Molina, agriculturist. Samantala, nanumpa naman ang mga mamamahala sa Bangus Festival para maitaguyod ito nang maayos. -- Alf/Darius/FRJ, GMA News