Pag-angkat ng isdang galunggong, pinaiimbestigahan sa Kongreso
Nais ng oposisyon sa Kamara de Representantes na ipatawag ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), upang hingan ng paliwanag tungkol sa ulat na umaangkat ang Pilipinas ng galunggong sa ibang bansa. Sa resolusyong inihain ng grupo ng minorya sa pangunguna ni Quezon Rep. Danilo Suarez, iginiit nila na dapat malaman ang tunay na kalagayan ng suplay ng galunggong na sinasabing pagkain ng mga mahihirap. Bukod sa DA, nais ni Suarez na imbitahan ng House Committee on Agriculture and Food ang mga opisyal mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at lider ng mga grupo ng mangingisda. Batay umano sa mga lumabas na ulat, sinabi ng kongresista na pinayagan ang pag-angkat ng naturang uri ng isda dahil kokonti na ang mga isdang nahuhuli sa karagatan ng Pilipinas. Karamihan umano ng mga galunggong na ipinapasok sa Pilipinas ay nagmumula sa China o Taiwan. Batay na rin umano sa pahayag ng BFAR, umaabot sa 900,000 metric tons ng galunggong ang inaangkat ng Pilipinas. "Constitution states that, ‘the goals of the national economy are more equitable distribution of opportunities, income, and wealth; a sustained increase in the amount of goods and services produced by the nation for the benefit of the people; and an expanding productivity as the key to raising the quality of life for all, especially the under-privileged," paliwanag ni Suarez sa paghahain ng naturang resolusyon. - RP/FRJ, GMA News