Filtered By: Topstories
News

64-year-old Bar top 10 placer Rodolfo Aquino: ‘Walang retirement age sa legal profession’


Marami ang humanga sa 64-anyos na si Rodolfo Aquino na sakabila ng kanyang edad ay nagawa pa niyang makapasok sa top 10 ng 1,913 examinees na nakapasa sa 2011 Bar examinations na isinagawa noong Nobyembre. Sa newscast na State of the Nation (SONA) nitong Miyerkules ng gabi, kinapanayam ng GMA News anchor na si Jessica Soho si Aquino para alamin ang kanyang mga plano kapag naging ganap na siyang abogado sa sandaling makapanumpa na ito. Sa simula ng panayam, binati at ipinaabot ni Jessica ang paghanga kay Aquino dahil hindi naging hadlang sa kanya ang edad upang makapag-aral ng abogasya at makasama pa sa top 10. “Sir I understand nagtuturo na po kayo sa UP Business Administration before you decided na kumuha po ng law, tama po ba?," tanong ni Jessica. “Tama po ‘yon," tugon naman ni Mr Aquino. “Bakit po? At age 64 medyo retirement age na po ‘yon ‘di ho ba?," pahabol na tanong ni Jessica. Ayon kay Aquino, noon pa man ay nasa isipan na niya na hindi dapat maging balakid o sagabal ang edad para makapag-ambag ng kanyang kakayahan. Bukod dito, nakita rin umano niya na walang retirement age sa legal profession katulad ng nakikita ngayon sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. Listahan ng Top 10: 1. Raoul Angelo Atadero (Ateneo Law School) - 85.536 2. Luz Danielle Bolong (Ateneo Law School) - 84.5563 3. Cherry Rafal-Roble (Arellano University) - 84.4550 4. Rosemil Banaga (Notre Dame University) - 84.1226 5. Christian Louie Gonzales (University of Sto. Tomas) - 84.0938 6. Ivan Bandal (Silliman University) - 84.0901 7. Eireene Xina Acosta (San Beda College) - 84.0663 8. Irene Marie Qua (Ateneo Law School) - 84.0575 9. Elaine Marie Laceda (FEU-DLSU) - 84.0401 10. Rodolfo Aquino (San Beda College) - 83.7276 “Naisip ko po kahit noon pa na sa legal profession ay walang retirement age hindi katulad sa government sector na 65 o sa private sector. Sa abogasyo po nakikita naman natin specially ngayon sa impeachment trial, hindi po barrier ang age," paliwanag niya. “Hanggang nakapag-iisip po kayo ng matuwid at nakapagsasalita at nakakasulat ay pwede pa po kayong maging productive and effective lawyer," dagdag ni Aquino. Dahil sa UP nagtuturo (bagaman sa San Beda College kumuha ng abogasya), pabirong sinabi ni Jessica na baka puwedeng si Aquino na ang maging representative ng UP sa top 10 list dahil walang nakapasok na UP law graduates sa listahan ng topnotcher. Nakangiting tugon naman ni Aquino: “I’m sure na UP will come back." Dahil may first career na si Mr Aquino bilang propesor sa UP, inalam ni Jessica kung ano ngayon ang plano niya matapos makapasa sa bar. Ayon kay Aquino, inalok siya ng San Beda na magturo sa School of Law kapag nagretiro na ito sa pagtuturo sa UP. Sa darating na Hunyo ay maaabot na niya ang retirement age na 65. Gayunman, sinabi ni Aquino na may plano pa rin siyang i-practice ang kanyang pagiging abogado pero hindi pa raw niya malaman sa ngayon ang direksyon na kanyang tatahakin. – FRJImenez, GMA News