Filtered By: Topstories
News

Radio station na binansagang ‘bandido" noong EDSA 1 People Power Revolution


Isang radio station ang nagsilbing “boses" ng mga mamamayan noong 1986 EDSA 1 People Revolution, na pinagmumulan ng mga impormasyon tungkol sa mga personalidad at tropa ng militar na isa-isang bumibitaw ng suporta sa noo’y lider ng bansa na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Sa harap ng tumitinding pag-aaklas ng mamamayang Pilipino at militar laban sa rehimeng Marcos noong Pebrero 1986, pilit na kinontrol o kaya’y ginipit ng puwersa ng administrasyon ang media, kasama na ang mga istasyon ng radyo. Ang layunin ng hakbang ay magkaroon ng media blackout upang hindi makakuha ng balita ang mga tao tungkol sa nagaganap na pagtitipon ng mga tao sa EDSA, partikular sa Kampo Krame at Aguinaldo kung saan kinakanlong ang mga nagkukudeta na sina dating defense minister Juan Ponce Enrile (kasalukuyang Senate President) at Vice Chief of Staff Gen Fidel Ramos (na nahalal na pangulo ng bansa noong 1992 elections). Sa Catholic radio station na Radio Veritas nanawagan sa mamamayan ang pumanaw na si Jaime Cardinal Sin na suportahan at protektahan ang mga nag-aaklas laban sa rehimeng Marcos. Dahil dito, naging target ng mga kaalyado ng administrasyong Marcos ang transmitter ng Radio Veritas para mawala sa ere. Sa utos ni Fr James B. Reuter, nagtungo ang newscaster na si June Keithley sa tower ng DzRJ radio sa Sta Mesa, Manila upang ituloy ang pag-broadcast ng mga nangyayari sa EDSA. Upang hindi matukoy kung saan nagbo-broadcast sina Keithley at Angelo Castro para hindi mapuntirya ng mga pro-Marcos forces, tinawag nila ang radio station bilang “Radyo Bandido." -- FRJ, GMA News