Palasyo, ‘di raw nababahala sa pagtitipon ng Iglesia ni Cristo sa Feb 28
Inihayag ng isang opisyal sa Malacañang na wala silang natatanggap na pagbabanta tungkol sa malaking pagtitipon ng Iglesia ni Cristo sa Maynila sa Pebrero 28. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, walang dahilan para mangamba sila sa naturang pagtitipon dahil isa itong evangelical at Bible exposition. “Ay hindi tayo nababahala sa isang Bible exposition at may pagpupulong silang sinasabi, evangelical and Bible exposition," paliwanag niya sa panayam ng government-run radio station na dzRB nitong Sabado. Tumanggi naman si Valte na sagutin ang tanong kung naniniwala ang Palasyo na mapanganib na manghimasok ang Church groups tungkol sa pamamalakad ng gobyerno. “We don’t know that, we cannot speculate," ayon kay Valte. Wala rin umanong ginagawang hakbang ang Malacanang para tapatan ang anumang pagkilos na itinuturing pagsuporta kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Nadamay ang INC sa isyu ng impeachment trial ni Corona matapos mapabalita na nais umano ng Malacanang na pagbitiwin si dating associate justice Serafin Cuevas bilang lider ng defense team ni Corona. Si Cuevas ay miyembro ng INC. Una rito, iniulat na gagawin ng INC ang grand evangelical mission sa Quirino Grandstand upang hilingin umano kay Pangulong Benigno Aquino III at sa gobyerno nito na igalang ang “rule of law." — FRJ, GMA News