Filtered By: Topstories
News

Naging abogado raw ni Danding: Bagong SolGen ni PNoy, pinalagan ng opisyal ng CBCP


Inalmahan ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang paghirang ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, sa bagong Solicitor General (SolGen) na naging abogado umano ng tiyuhin ng pangulo. Ayon kay Fr Edwin Gariguez, executive secretary ng National Secretariat for Social Action (CBCP-NSSA), magsasagawa sila ng kilos protesta para ipakita ang pagtutol sa paghirang ni Aquino kay Francis Jardeleza bilang bagong solicitor general. Si Jardeleza ay naging abogado umano ng tiyuhin ni Aquino na si business tycoon Eduardo “Danding" Cojuangco. Nangangamba si Gariguez na baka maapekthan ang mga nakabinbin kaso tungkol sa Hacienda Luisita at coco levy funds sa pag-upo ni Jardeleza bilang nangungunang abogado ng pamahalaan. Nakabinbin sa SC ang nasabing mga kaso. May nauna namang desisyon ng SC na dapat ipamahagi sa mga benepisaryo ng agrarian reform program ang bahagi ng Hacienda Luisita, na pag-aari ng mga Cojuangco. “We are really dismayed. This appears to be a grand scheme… there’s a motive in the appointment of Jardeleza," ayon kay Gariguez. “This is a big slap to the farmers. How can the new solicitor general treat issues fairly when he is the lawyer of the Cojuangcos," idinagdag niya. Si Jardeleza ay hinirang ni Aquino, kapalit ng nagbitiw na si Jose Anselmo Cadiz, na nais na umanong bumalik sa pribadong sektor. — FRJ, GMA News

Tags: solgen, danding