Anak ni Ebdane, bagong 2nd district rep ng Zambales
Opisyal nang hinirang bilang bagong kongresista sa ikalawang distrito ng Zambales si Jun Omar Ebdane, anak ng kasalakuyang Zambales governor at dating Defense secretary Hermogenes Ebdane. Ayon kay Commission on Elections (Comelec) spokesman James Jimenez, hinirang si Ebdane nitong Linggo ng 11:15 ng umaga matapos niyang talunin si dating Zambales governor Amor Deloso sa special elections kahapon. Nakalikom ng 62,867 boto si Ebdane laban sa 56,945 boto ni Deloso, ayon kay Jimenez. Nagsimula ang pagbibilang ng boto ganap na 8 ng umaga at natapos naman ng 10 ng umaga. Ayon sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), 70 percent sa may 200,000 registered voters ang bumoto sa special polls na ito. Para kay PPCRV chairperson Henrietta de Villa, maaaring ang hindi pag-uwi ng ilang taga-Zambales second district na nakatira o nagtatrabaho sa ibang lugar ang dahilan nang mababang voter turnout. Inihayag din niya ang kanyang pagkadismaya sa vote-buying na naganap sa nasabing eleksiyon. “Nadismayado talaga ako kapag vote-buying. Parang naging parte na ng kultura ng eleksyon na kadalasan yung public officials parang expected na ‘yun,” ani De Villa. Isinagawa ang special poll nitong Sabado upang hirangin ang panibagong district representative matapos pumanaw si Rep. Antonio Diaz noong Agosto 2011. - Amanda Fernandez/KBK, GMA News