Filtered By: Topstories
News

Paglilitis sa Punong Mahistrado sa wikang Filipino, kaya ba?


Kaya bang gawin sa wikang Filipino ang paglilitis ni Chief Justice Renato Corona? Malamang ang sagot ay "pwede naman." Ngunit ang tamang tanong dito ay kung makatutulong nga ba ito sa mga ordinaryong Pilipino upang lubusan nilang maunawan ang isyu.   Bukas si Senate President Juan Ponce Enrile, presiding officer sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, sa mga nagmumungkahing isagawa ang paglilitis sa wikang Filipino. Gayunpaman, aminado si Enrile na maaaring magkaroon ng problema sa ilang legal at technical na salita.

Opinyon ng mga ordinaryong tao
 
Inalam ni GMA News reporter Jam Sisante kung nalilito nga ba ang mga ordinaryong mamamayan sa pagsusunod ng paglilitis kay Corona. Meron ilan na nagsabi na i-Tagalog na lang sana ang paglilitis.
 
Ayon sa kanila, bukod sa pagiging komplikado ang kaso, nahaluan pa ng “legal gobbledygook” – o mga malalalim na terminong ginagamit sa paglilitis.  
Mga legal terms sa wikang Filipino 
 
Marami sa mga salitang ginagamit ng mga abugado at hukom ay hango sa wikang Latin o Ingles. Heto ang ilan sa mga terminong ginamit sa paglilitis kay Corona:
 
Sui generis – walang katulad. Parating iginigiit ng mga senador-hukom na ang impeachment trial ay iba sa ordinaryong paglilitis na ginagawa sa Hudikatura
 
Motu proprio – mismo nang aaksyon ng walang pag-aatubili o paghingi ng permiso mula nino man. Si Enrile, bilang Tagapamahala (Presiding Officer) ng Impeachment Court, ay may kapangyarihan na magpasya motu proprio sa pag-i-iral ng kaso ni Corona, maliban nga lang kapag merong senador-hukom na hindi sasangayon kung kalian naman pagbobotohan ang ruling ng Presiding Officer.
 
Pari passu – pare-pareho lang yan. Ito ang sinabi ni Enrile pagkatapos pinaliwanag ni House lead prosecutor Niel Tupas Jr. na hindi naman kailangan sundin ng mga taga-usig (prosecutor) ang Articles of Impeachment na sunod-sunod dahil pare-pareho lang sila sa mata ng mga kongresista mula sa Kamara.
 
Ultimate fact – ang payak na katotohanan na gustong patunayan ng prosekusyon. Iba ang ultimate fact sa tinatawag na evidentiary fact o ang pinapatibayan ng prosekusyon pagdating sa paglilitis. 
 
Noong nakaraang linggo, sinalang ni House prosecutor Rep. Bargaza ang pagtutol ni Atty. Cuevas sa pagpiprisenta ng Statements of Assets, Liabilities and Net worth (SALNs) ni Corona. Pangangatuwiran ni Bargaza na sa paghain ng articles of impeachment laban kay Corona, dapat nakasaad lang ang mga ultimate fact at hindi isinasama ang mga evidentiary fact, kaya di kailangan nakalagay sa articles of impeachment ang mga detalye ng mga SALN ni Corona.
 
Desisyon ng Korte Suprema sa wikang Filipino
 
Noong 1978, naglabas ang Korte Suprema ng bukod-tangi na kaisa-isang desisyon na isinulat ng buo sa wikang Filipino. Ang nagsulat ng desisyon na ito ay si dating SC Associate Justice Antonio Barredo . 
 
Mababasa sa kasong Draculan et al. vs. Donato ang malinaw na pagsalin sa Filipino ng “right to remain silent” na garantiya ng naunang Saligang Batas noong 1973 na umiiral din naman sa kasalukuyang Saligang Batas ng 1987: “Hindi dapat pilitin ang isang tao na tumestigo laban sa sarili. Ang sino mang tao na sinisiyasat dahil sa paglabag ay dapat magkaroon ng karapatang magsawalang-kibo, magkaroon ng abogado, at niapatalastasan ng gayong karapatan. Hindi siya dapat gamitan ng puwersa, dahas, pagbabanta, pananakot, o ano pa mang paraan na sisira sa kanyang malayang pagpapasiya. Hindi dapat tanggapin ang ano mang pagtatapat na nakuha na labag sa seksiyong ito.”
 
Maliban dito, may mga desisyon si dating SC Associate Justice Ruben Reyes na kahit sinulat niyang halos pankalahatang Ingles, meron naman mga Latin maxim na isinalin nya din sa Filipino. 
 
Halimbawa, sinulat ni Reyes noong 2008 sa kaso na Serena vs. Sandiganbayan: “Interpretatio talis in ambiguis semper fienda est, ut evitetur inconveniens et absurdum.  Where there is ambiguity, such interpretation as will avoid inconvenience and absurdity is to be adopted. Kung saan mayroong kalabuan, ang pagpapaliwanag ay hindi dapat maging mahirap at katawa-tawa.” 
 
Paglilitis sa wikang Tagalog
 
Noong 2008, sa pamamahala ni Chief Justice Reynato Puno, naglunsad ang Hudikatura ng inisyatibong isagawa ang pagdinig sa ilang mga Regional Trial Court sa katutubong wika.
 
“We are trying to pilot the use for instance of the Tagalog language in Bulacan and the result is very positive. And some sectors are trying to push this idea, not only in Bulacan but in Tagalog-speaking provinces like Cavite, Batangas, Nueva Ecija and the others,” sabi noon ni Puno.
 
Ang Tagalog ay ang lenggwaheng unang pinagbasehan ng pambansang wika na Filipino. Sa madaling salita, ang Tagalog ay iisa lamang sa mga katutubong wika na saklaw ng Filipino. 
 
Malamang yung eksperimento sa ilang RTC ay bunga ng isang petisyon ni dating Hukom Cesar Peralejo noong Marso 2005 na pinansin naman ng Korte Suprema sa En Banc resolution A.M. No. 05-2-08-SC. Hiling ni Peralejo na gawing otorisado ang paggamit ng wikang Filipino maliban sa Ingles lamang sa lahat ng mga korte sa Pilipinas. - VVP/HS/AF, GMA News
 
Ang may-akda na si Atty. Marlon Anthony Tonson ay isang abogado na dating nanilbihan sa Public Information Office ng Korte Suprema, at nagsulat ng bahagi ng Journal ng Senate sitting as an Impeachment Court sa kaso ni dating Pangulong Joseph Estrada noong 2000-2001.