Sari-saring pagbigkas ng 'Kung Hei Fat Choi'
Idineklarang special non-working holiday ang pagdiriwang ng Chinese New Year sa Lunes, Enero 23 at sa gitna ng mga paghahanda ng mga Chinese-Filipino, lumutang ang mga usap-usapan sa kung ano ang tamang paraan sa pagbigkas ng "Happy New Year!" sa Chinese. "Kung Hei Fat Choi", "Kung Hee Huat Tsai", "Gong Xi Fa Cai" , "Kiong Hi Huat Tsai" – alin ba sa mga ito ang tamang pagbigkas ng pagbati sa Chinese New Year? Lahat ng mga ito ay tama. Sa Pilipinas, ilan lamang sa mga lenggwahe na madalas na gamitin ng Chinese-Filipino communities ay ang Hokkien, Mandarin, Taiwanese at Cantonese. Ang Hokkien (Southern Fujianese) at Mandarin umano ang pinakamadalas na ginagamit na wika ng Chinese Filipino community. Sa kabila nito, ang madalas na ginagamit na pambati tuwing Chinese New Year ay "Kung Hei Fat Choi" na nasa wikang Cantonese. Ayon kay Clark Lim Alejandrino, director ng Chinese Studies Program sa Ateneo de Manila University, nasa kulturang popular ng mga Pilipino ang paggamit ng wikang ito dulot ng mga pinasikat na produkto na gawang Cantonese sa bansa. Aniya, "It's the product of Hong Kong. We are so exposed to Hong Kong culture..., Hong Kong movies so it is the Cantonese version that is well known in a land where there are more Southern Fujianese. Mandarin, of course, has not achieved the popularity it deserves." Paggamit ng Hokkien Ayon kay Alejandrino, madalas na ginagamit ng mga Chinese ang wikang Hokkien ngunit itinuturing pa ring lingua franca ng China ang Mandarin. "In fact, Kung Hei Fat Choi doesn't speak to either the Chinese here nor the large majority of Chinese," aniya. Sa madaling salita, kapag binati mo ng Kung Hei Fat Choi ang Tsinoy (Chinese-Filipino) ay para kang nag-Tagalog habang kausap mo ay Bisaya. Giit ng ilan, kinakailangan nang simulan ang paggamit ng Hokkien na wika sa pagbati ng Chinese New Year. Inihayag ni Presidential spokesman Edwin Lacierda sa kanyang Twitter account ang kanyang pagnanais na simulan ng mga Pilipino ang pagbati gamit ang Hokkien na wika. Aniya, dapat gamitin ang "Kiong Hee Huat Tsai" na pagbati. Ngunit hindi niya pinalawig ang kanyang dahilan. Parehong kahulugan Inakala ng ilan na nangangahulugan ang "Kung Hei Fat Choi" o "Kiong Hei Fat Choi" ng "Happy New Year," ngunit ang tunay na ibig sabihin nito ay "Congratulations and be prosperous!" Sa salitang Mandarin, ito ay binibigkas na "Gong Xi Fa Cai" at sa Taiwanese naman, ito ay: Kiong Hi Huat Tsai dahil mula sa Southern Fujian province ang kanilang mga ninuno. Magkakapareho lamang ang ibig sabihin ng mga ito. Sinasabi ang mga katagang ito ng mga bata bago nila kunin ang kanilang ang pao (pulang sobre na nilalagyan ng pera), bago magbibigayan ng mga regalo, habang bumibisita sa temple, o habang inihahanda ang sangkap para sa yusheng o Prosperity Toss – isang raw fish salad na nagdadala umano ng swerte para sa Bagong Taon. — Amanda Fernandez, Adrian Dy /LBG, GMA News