5 bata sa Ilocos Norte, nalason sa pagkain ng bunga ng Tuba-tuba
Limang batang magkakapitbahay ang nalason dahil sa pagkain nila ng bunga ng halamang Tuba-tuba sa Brgy Daquioag, Marcos, Ilocos Norte. Dalawa sa kanila ang isinugod sa ospital nitong Huwebes dahil sa sobrang pagkahilo at pagsakit ng tiyan. Samantala, ang tatlo ay nalapatan kaagad ng paunang lunas sa health center. Ang dalawang naospital ay kapwa limang-taong-gulang, samantalang pawang apat na taong gulang naman ang tatlong ginamot sa Municipal Health Center. Ayon sa kanilang mga magulang, nanguha ng tuyong bunga ng tuba-tuba sa likod ng kanilang bahay ang mga bata at kinain. Pinapaniwalaan na naparami ng kain ang mga bata at kalaunaý bigla na lang silang nahilo, nagdumi at sumakit ang ulo. Ipinakita pa sa GMA News ang natira sa kinaing bunga ng tuba-tuba ng mga bata. Agad namang nagtungo ang grupo ng Municipal Health Office sa lugar upang mabantayan ang kalagayan ng tatlong hindi nagpagamot sa ospital. Kwento ng mga magulang, kumakain din sila ng bunga ng tuba-tuba pero hindi masyadong marami. Pero payo ng mga eksperto, iwasang kumain ng tuba-tuba dahil nakakalason ito lalo na sa mga bata. Mas mabuti umanong dalhin sa ospital at huwag mag-eksperimento sa pagbibigay ng paunang lunas para makasiguro ang kaligtasan ng mga biktima. Samantala, bumubuti na umano ang kalagayan ng dalawang na-confine sa ospital. Ngunit kailangan pa rin nilang manatili sa pagamutan para mas matiyak ang kanilang kondisyon. – DGAlipio/GLCalicdan/FRJ, GMA News