Filtered By: Topstories
News

Mga palayan at maisan sa 1 bayan sa Pangasinan, pineste ng mga daga


Nangangamba ngayon ang ilang magsasaka sa Sta. Maria, Pangasinan sa posibilidad na pagkalugi bunsod nang pamemeste ng mga dagang bukid sa kanilang taniman. Sa 2,556 ektaryang standing crop ng mais ngayon sa bayan, tinatayang 15 porsyento na nito ang napeste ng daga. Posible pa itong tumaas kapag hindi agad naaksyunan ang problema. Dahil dito, ikinasa ng Department of Agriculture Region 1 ang massive rodents infestation control sa bayan, partikular sa Barangay Capandanan. Gamit ang lason na zinc phosphide na inihalo sa bigas at kaunting mantika, ipinakita sa mga magsasaka kung paano gumawa ng mga ipapaing lason. Maaari itong ibalot sa dahon ng saging o kaya naman ay isasabit sa plastik. Tuwing gabi lang umano lumalabas at sumasalakay sa mga taniman ang mga daga kaya mainam na ilagay ang pain bago ang dumilim. Ayon kay Zenaida Batalla, banner corn coordinator, Sta. Maria Agriculture Office, maaari pa naman daw pakinabangan ang mga mais kinagatan ng daga. Pero dahil apektado na ito ng aflatoxin, bumababa na ang kalidad ng bunga. Umaasa naman ang mga magsasaka na mareresolba ang problema sa lalong madaling panahon at tuluyang mapupuksa ang mga pesteng daga na sumisira sa kanilang kabuhayan. – JSSegui/GLCalicdan/FRJ, GMA News