Filtered By: Topstories
News

Presyo ng mga bilog na prutas, tumaas na sa Urdaneta


Sunod-sunod na ang pagdating ng mga trak na naglalaman ng iba’t ibang uri ng prutas sa “Bagsakan market" sa Lungsod ng Urdaneta sa Pangasinan. Ang mga prutas ay diretsong ibinababa sa mga fruit stall sa nabanggit na pamilihan. Karamihan sa mga tindera ay naka-abang na at unahan ang eksena dahil malakas ang bentahan ng mga bilog na prutas tuwing papalapit na ang pagpapalit ng taon . ‘Ito isang araw lang i-dispose din namin agad para hindi rin masira ang mga ito," paliwanag ni Michelle Agsalud, fruit vendor. Bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga prutas sa pinagkukunan ng produkto, nagtaas na rin ng P5 hanggang P10 ang presyo ng mga prutas bawat kilo. Ngunit kibit-balikat na lamang ang ilang mamimili sa pagtaas ng presyo dahil kailangan nilang makumpleto ang 13 bilog na prutas sa paniniwalang pampa-swerte. “Nasa P150 lang naman siguro ang lahat kapag kinumpleto," ayon kay Anita Casillan, mamimili sa Bagsakan market. “Pero nasa tao pa rin ang swerte," dagdag naman ng isa pang mamimili na si Sopina Peruline. “ At kung wala talagang pambili, hindi na kailangan, nasa pagtatrabaho iyan." Bukod sa mga pangkaraniwang prutas gaya ng dalandan, mansanas at peras, nagdatingan na rin mula sa Southern Luzon ang iba pang pabilog na prutas gaya ng kastanyas, lansones, chico, kiat-kiat, longgan, at pomelo. -- JArcellana/Jdacanay/FRJ, GMA News