Filtered by: Topstories
News

Alam n'yo ba? Sikat na Xmas song, binatikos noon ng Simbahan


“I saw mommy kissing Santa Claus underneath the mistletoe last night…” Pamilyar ba kayo sa kantang ito? Siguradong paulit-ulit n’yo nang naririnig ito kasabay ng iba pang mga kantang pamasko. Ang kantang ito ay tungkol sa isang bata na naalimpungatan sa pagkakatulog, at nang bumangon siya ay nakita niya ang kanyang mommy na hinahalikan si Santa Claus sa ilalim ng isang mistletoe o ligas sa tagalog, isang uri ng maliit na punong parasito na may maliliit ding dahon. Ang akala ng bata ay ibang tao ang hinahalikan ng kanyang mommy, subalit ito pala ay ang kanyang Daddy na nagbihis lamang ng katulad ni Santa upang maglagay ng regalo sa medyas ng bata. Ang kantang ito ay sinulat ng composer at musician na si Tommie Connor at unang napakinggan sa Amerika noong 1952. Pinondohan ng Saks Fifth Avenue ang recording ng kanta upang makatulong sa pagpapakilala sa publiko ng ipinagbibili nilang Christmas Card. Katulad ng inyong naririnig sa mga radyo, batang lalaki ang orihinal na kumanta nito. Siya ay Jimmy Boyd na isang sikat na mang-aawit, composer at aktor noon sa Amerika. Nasa 13 taong gulang siya nang kinanta niya ito, at sa unang beses na narinig ito,  pumainlanlang kaagad ito sa mga billboard charts sa buong Amerika. Paulit-ulit itong pinatugtog kaya kahit tapos na ang pasko ay nanatili ito sa pagiging number 1 sa mga music charts. Subalit kasabay ng kasikatan ng kata ay ang pagtutol ng Simbahang Katolika dahil sa salitang “kissing” o halikan sa tagalog. Binatikos ito at ipinagbawal na patugtugin pa. Nakuha ring ipatawag ng Archdiocese ng Boston, Massachusetts si Boyd upang pagpaliwanagin. Umabot sa mahabang debate ang isyu na sa huli ay pinayagan na ring patugtugin. Sa katunayan, nagkaroon pa ito ng maraming version at translation. Pinakasikat dito ang version ni Michael Jackson sa noo’y Jackson 5. —  GMA News