Guro na humawak ng armas para sa kalayaan ng mga Pilipino
Kilala niyo ba kung sino ang dating guro mula sa lalawigan ng Laguna ang humawak ng armas para ipaglaban ang karapatan ng karaniwang mamamayan at kalayaan ng Pilipinas sa panahon ng pananakop ng Amerika? Bandido sa mata ng kalaban, pero sa kanyang mga natulungan bayani at “Robin Hood" ang pagkilala kay Teodoro Asedillo, dating guro sa lalawigan na kanyang sinilangan sa Laguna. Sinasabing natanggal sa pagtuturo si Asedillo nang tutulan niya at hindi sundin ang mga direktiba ng mga mananakop na Amerikano kagaya ng hindi pagpapagamit ng wikang Filipino sa mga mag-aaral. Nang mawala sa serbisyo bilang guro, kinuha naman si Asedillo ng isang alkalde na maging hepe ng pulisya sa isang bayan sa lalawigan. Pero pagkaraang matalo sa halalan ang alkalde, nawala rin sa puwesto si Asedillo. Mula noon ay napunta si Asedillo bilang manggagawa sa bukirin kung saan naging kaanib siya ng Katipunan ng mga Anakpawis sa Pilipinas nang maitatag ito noong 1929. Dahil may kakayanan maging lider, ipinadala si Asedillo ng samahan sa ilang lugar sa Luzon gaya sa Metro Manila. Nang panahon na iyon ay malakas ang paghihimutok ng mga manggagawa sa bukid at unyunismo ng mga manggagawa laban sa polisiya ng Amerika. Sa pagsiklab ng rebolusyon ng mga kasapi ng isa pang grupo ng mga obrero na Sakdalista noong 1935, naging mainit sa mata ng mga awtoridad ang katulad ni Asidello. Muli siyang bumalik sa lalawigan at sumapi sa puwersa ng kilalang rebolusyunaryo na si Nicolas Encallado. Dito na nagsagawa ng mga pag-atake si Asedillo laban sa pananakop ng Amerika at sa liderato ng lokal na pamahalaan. Nagsasagawa siya pagnanakaw sa mga mayayaman at ipinamamahagi naman sa mahihirap. Ngunit noong Nobyembre 1935, nadiskubre ng mga awtoridad ang kuta ni Asedillo at napatay siya. Ipinarada ng mga awtoridad sa mga plaza ang mga labi ni Asedillo upang makita ng mga tao. Ang buhay ni Asedillo ay isinapelikula ni Fernando Poe Jr noong 1971 kung saan nagkamit siya ng kanyang ikalawang FAMAS Best Actor award. - FRJ, GMA News