ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kapatid at hipag ng Basilan gov, patay sa ambush


Nasawi ang kapatid na lalaki at hipag ni Basilan Governor Jum Akbar, matapos silang tambangan ng mga hindi nakilalang suspek sa nabanggit na lalawigan nitong Lunes ng gabi. Ang mga nasawi ay kinilalang sina Engineer Basser Jainuddin, at misis niyang si Amina, kapitana ng isang barangay sa Basilan. Nitong Martes, inihayag ni Chief Superintendent Elpidio de Asis, director ng Zamboanga Peninsula Regional Police Office, na dakong 7:05 p.m. nitong Lunes nang tambangan ng mga suspek na nakasakay sa isang motorsiklo ang mga biktima sa Basilan State College sa Brgy Sumagdang sa lungsod ng Isabela. “Basser died on the spot after incurring several gun shot wounds. His wife was rushed to Infante Hospital, but was declared dead on arrival," ayon kay De Asis. Nakakuha ang mga awtoridad ng pitong basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen. Patuloy ding inaalam ng mga imbestigador ang motibo ng pamamaslang. -- GMA News