Filtered By: Topstories
News

Pondo para sa pagtulong sa mga sinalanta ng bagyo, sapat – Valte


MANILA— Tiniyak ng isang opisyal sa Malacañang nitong Sabado na may sapat na pondo ang pamahalaan para sa rehabilitasyon at pagtulong sa mga naapektuhan ng nagdaang mga bagyo. Ang pahayag ay ginawa ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, kasunod naman ng mungkahi ng isang kaalyadong senador ng administrasyon na dapat gamitin ang natipid na pondo gobyerno para sa pagsasaayos ng mga winasak ng bagyo. “As of the moment we have enough standby funds at the Department of Social Welfare and Development to help those affected by typhoons," pahayag ni Valte sa panayam ng dzRB radio. Sa loob ng isang linggo, dalawang malalakas na bagyo (“Pedring" at “Quiel") ang bumayo sa Luzon, kasama ang Metro Manila. Kabilang sa napinsala ay ang seawall ng Manila bay kung saan tinatayang aabot sa P30 milyon ang kakailanganin para maisaayos. Sinabing aabot sa P1 bilyon ang pinsala sa mga ari-arian, pananim at impraestruktura ang winasak ni Pedring.Umabot naman sa 50 katao ang nasawi at dalawang milyong katao ang naapektuhan ng bagyong “Pedring." Marami pa ring bayan sa lalawigan ng Bulacan at Pampanga ang lubog sa baha. Nitong Sabado, hinagupit ni “Quiel" ang malaking bahagi ng Hilagang Luzon, partikular ang mga lalawigan ng Isabela at Cagayan. Hindi naman nagkomento si Valte tungkol sa mungkahi ni Sen Ralph Recto na gamitin ang “savings" ng pamahalaan sa ginawang pagtitipid ngayong taon. “I am not aware of how the funds will be specifically allocated," ayon kay Valte. Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Recto na bahagya lamang ginalaw ng pamahalaan ang infrastructure outlays ngayong 2011, na umabot lamang sa P64.5 bilyon mula January hanggang July. Malayo umano ito sa P156 bilyon na ginastos sa unang pitong buwan noong 2010. Bukod pa rito, sinabi ng senador na todo rin ang pagtitipid ng gobyerno sa buong burukrasya mula Enero hanggang Agosto na umabot lang sa P947.244 bilyon, malayo sa P1.031 trilyon na nagastos sa unang walong buwan noong 2010. "If the typhoons go on a holiday this Christmas, then good. When it strikes, then the LGUs and national agencies could easily start rehabilitation effort with the already approved or obligated funding," pahayag ni Recto. Ang mga proyektong gagawin sa mga lugar na sinalanta ng bagyo ay makalilikha umano ng trabaho para sa mga residenteng napinsala ng kalamidad at makatutulong din sa pagpapasigla ng ekonomiya sa lugar. – GMA News