Filtered By: Topstories
News

Sen Miriam nag-init ang ulo sa Chinese businessman


MANILA – Nagpakita muli ng kanyang galit ang palabang senador na si Miriam Defensor-Santiago nitong Miyerkules sa isang negosyanteng Tsino na nagbantang maghahain ng reklamo laban sa mambabatas. Sa pagdinig ng Commission of Appointments (CA) sa nominasyon ng mga opisyal ng ng Department of Foreign Affairs, pinagsabihan ni Santiago ang negosyanteng si Chung Hing Wong (o Joseph Wong) dahil sa pagharang nito sa nominasyon ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at paghahain ng ethics complaint laban sa kanya. "You are a Chinese national [and] for that reason, you have no right to appear as a party in any nomination hearing before this court. You have no right to appear on television and intimidate a senator of the republic. You are making a living out of the Philippine economy," sermon ng senadora. "I cite you for contempt, where is the Sergeant-at-Arms? Take this man. That is the order of the chair," galit na pahayag ni Santiago. Noong Mayo 31, inihayag ni Wong ang pagtutol kay Del Rosario na maging pinuno ng DFA dahil sangkot umano ang opisyal sa isang transaksiyon na naging dahilan ng kanyang pagkalugi. Sa kabila ng akusasyon, walang naipakitang katibayan si Wong sa naturang pagdinig, kaya pinaalis siya ni Santiago at pinagsabihan na huwag ng uulitin ang ginawa. Noong Hulyo 13, nagbanta si Wong na magsasampa ng reklamo sa Senate ethics committee laban kay Santiago. Kasunod nito nagpalabas si Santiago ng show-cause order kay Wong upang hingan ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat ipa-contempt. Pero nitong Miyerkules, nagdesisyon si Santiago na huwag ituloy ang pag-contempt kay Wong matapos umapela at humingi ng paumanhin ang asawa ng negosyante na si Rica. "I'm very sorry for that ma'am...depressed na po siya. That's why I came here to accompany my husband," paliwanag ng misis ni Wong. Idinagdag ni Rica na hindi niya nasamahan sa nakaraang pagdinig ang mister dahil nagpapagamot siya ng kanyang breast cancer. "For human consideration, I lift my order of contempt. Turuan mo ng magandang ugali ang intsik na asawa mo. ‘Wag na kayo bumalik ulit dito dahil sinasayang ninyo ang panahon ng mga senador. Hindi namin obligasyon na tulungan ang asawa mo na mangolekta ng mga nangutang sa kanya," ayon kay Santiago. "This case is closed. There's no more contempt order," deklara ng mambabatas. Matapos ng pagdinig, sinabi ni Santiago na pinag-aaralan niya na ituloy ang pagsasampa ng reklamo kay Wong at ipa-deport ito. "I think he really has a medical problem. His records (also) show that he is [an] undesirable (alien)," pahayag sa media ni Santiago, nagsilbi noon na pinuno ng Immigration sa ilalim ng administrasyon ng pumanaw na si Corazon Aquino. Batay umano sa nakalap niyang impormasyon mula sa Bureau of Immigration at National Bureau of Investigation, nasangkot umano ang negosyante sa mga kasong estafa at mayroon mga address na hindi naman siya nakikitang nakatira. – GMA News