Filtered By: Topstories
News

Ama ng Balarila ng Wikang Pambansa


Kilala niyo ba kung sino ang Ama ng Balarila o gramatika ng wikang Filipino, na pumanaw sa araw kung kailan ginugunita ang Araw ng Paggawa? Isang makata, nobelista, mamamahayag, lider manggagawa at lingkod publiko, si Lope K. Santos o Mang Openg ang kinikilalang Ama ng Balarila ng wikang Filipino. Isinilang siya noong Setyembre 25, 1879 sa Pasig na noo’y sakop pa ng lalawigan ng Rizal. Bagaman ang apelyido ng kanyang ina na si Victoria ay Canseco, mas pinili ni Lope na gamitin ang letrang “K" sa kanyang middle initial dahil sa kanyang pagpapahalaga sa alpabetong Filipino kaysa letrang hiram sa dayuhan. Sinasabing lalong sumidhi ang pagmamahal ni Mang Openg sa wikang Filipino nang manalo siya sa dupluhan (larong patula). Kasunod nito ay naging editor siya ng ilang publikasyon sa Tagalog noong 1900’s. Sa kanyang pagsusulat ng mga nobela at tula, kinilala rin siya bilang Paham (dalubhasa) ng Wika. Taong 1940 naman nang gawin niya ang balarila na naging panuntunan noon sa pagsusulat sa wikang Filipino. Tumanggap din siya ng pagkilala sa isinulat niyang nobela na "Banaag at Sikat." Si Lope ang naging unang editor ng babasahing "Muling Pagsilang," at nagtatag ng "Sampaguita," ang kauna-unahang babasahin na isinulat sa Tagalog na lingguhan ang paglimbag. Kasunod nito ay ang pagkakahirang sa kanya ni dating Pangulong Manuel L. Quezon bilang director ng Surian ng Wikang Pambansa. Naging gobernador din siya ng Rizal mula 1910 hanggang 1913, at sa itinalagang gobernador ng Nueva Ecija noong 1918 hanggang 1920. Nang maging senador, iniakda niya ang batas sa pagdedeklara ng (Andres) Bonifacio Day, at isinulong ang kagalingan ng mga manggagawa. Pumanaw siya noong May 1, 1963 dahil sa karamdaman. - FRJimenez, GMA News

Tags: pinoytrivia