Filtered By: Topstories
News

Zaldy Ampatuan nais ipatawag sa Kamara dahil sa umano’y dayaan sa 2007 polls


MANILA – Nais ng ilang kongresista na imbitahan sa Kamara de Representantes ang suspindidong gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na si Zaldy Ampatuan, kaugnay sa isiniwalat nitong dayaan na naganap umano noong 2007 elections. Umaasa sina Bayan Muna party-list Reps. Teodoro Casiño at Neri Colmenares, na papayagan ni Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes, na makalabas ng piitan si Ampatuan upang makadalo sa pagdinig. Ayon sa mga mambabatas, mahalaga ang ibibigay ng impormasyon ni Ampatuan tungkol sa kung papaano minaniobra ng kanilang pamilya ang resulta ng botohan sa mga kandidatong senador noong 2007 elections. Una rito, sinabi ni Ampatuan na inutusan ni dating First Gentleman Jose Miguel “Mike" Arroyo, ang kanyang ama na si dating Maguindanao Gov Andal Ampatuan Sr., na ipapanalo ang noo’y kandidatong si Sen Juan Miguel Zubiri. Kasama rin umano sa utos ng mga Arroyo na i-zero sa boto ang iba pang mga kandidatong senador na kritiko ng Arroyo administration na sina (Pangulong) Benigno “Noynoy" Aquino III , (Sen) Alan Peter Cayetano at (Sen) Panfilo Lacson.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa kabila ng ginawa umanong “operasyon" ng mga boto sa Maguindanao, nanalo pa rin sina Aquino, Cayetano at Lacson. Nagwagi si Zubiri na nakahabol sa ika-12 at huling puwesto. Ang panalo ni Zubiri ay iprinotesta (at nananatiling nakabinbin) sa Senate Electoral Tribunal ni dating senatorial candidate Atty Aquilino “Koko" Pimentel, na bumagsak sa nasa-13 puwesto sa naturang halalan. Bagaman lumitaw sa isinagawang recount ng mga boto ng SET na nanalo si Pimentel, hindi pa rin ito nakaupo dahil sa inihaing mosyon ni Zubiri na rebisahin ang iba pang boto na kanyang tinukoy. Itinanggi naman ng kampo ni G Arroyo, at maging ni Zubiri ang naturang alegasyon ni Ampatuan. Ang mag-amang Ampatuan ay nakapiit sa Quezon City Jail Annex sa Taguig City, dahil sa pagkakasangkot nila sa karumal-dumal na Maguindanao massacre. Bukod sa umano’y dayaan noong 2007 elections, sinabi ni Casiño na maaari ring hingan ng impormasyon si Ampatuan (Zaldy) tungkol sa hinihinala ring dayaan na naganap noong 2004 presidential elections kunsaan nanalo si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. “His (Zaldy) testimony could be the breakthrough we have been looking for all these years. Now that he wants to talk, let him talk and let us ask the right questions," ayon sa kongresista. Gayunman, iginiit ni Casiño na hindi dapat magamit ang mga ibubunyag ni Zaldy Ampatuan upang makalibre ito sa anumang pananagutan kaugnay sa naganap na masaker noong 2009 kung saan 57 katao ang pinatay. “While we welcome (Zaldy) Ampatuan’s revelations, we are worried that it is being used to bargain for exoneration in the massacre case. His professed innocence in the latter should stand on its own merit and not in exchange for information on the former, which is a totally different case," ayon kay Casiño. Sinabi ni Colmenares na kapani-paniwalang testigo si Ampatuan pagdating sa umano’y dayaan sa halalan dahil kabilang ang suspindidong ARMM governor sa mga pinaghinalaang nagmaniobra ng resulta ng eleksiyon sa Shariff Aguak, Maguindanao noong 2007 elections. - GMA News