Filtered By: Topstories
News

Tumama ng P356.5-M jackpot sa lotto, isang obrero mula sa Las Piñas City


MANILA – Isang construction worker mula sa Las Piñas City, at suma-sideline bilang barangay tanod ang nag-iisang tumama ng mahigit P356.5 milyon jackpot prize sa 6/55 Grand Lotto draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office nitong Miyerkules ng gabi. Ayon kay PCSO General Manager Atty. Jose Fernandez M. Roxas II, nagtungo na sa tanggapan ng PCSO sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, nitong umaga ng Huwebes ang 60-anyos na nanalo para kubrahin ang kanyang premyo. Dahil sa seguridad, hindi ibinibigay ng PCSO ang buong detalye tungkol sa katauhan ng mga nananalo ng jackpot prize. "I told him three things," ayon kay Roxas. "First, to thank God for the blessing. Second, to help those who are in need. And third, to use the money wisely." Ang nakakuha ng winning combination 5-9-19-26-30-45 nitong Miyerkules ng gabi ay mayroon umanong asawa at anim na anak. Dahil sa kahirapan, hindi umano nakapag-aral ang mag-asawa at maging ang kanilang mga anak. Isang taya lang (P20) ang ginawa ng nanalo, at ang kanyang napiling mga numero ay batay sa araw ng kanilang anibersaryo at araw ng kapangakan ng kanyang mga anak. Kasama umano nito ang ilang kamag-anak at isa sa kanyang mga anak nang magtungo sa PCSO, ayon kay Roxas. "He was almost speechless. He only talked when you asked him questions," kuwento ni Roxas. "From his appearance you can really see that he needed the money." Kabilang sa plano ng nanalo ay bumili ng bahay at lupa sa kanilang lalawigan sa Bicol. Wala rin umanong sariling tirahan ang nanalo sa Metro Manila. Noong Nobyembre 2010, isang 60-anyos na balikbayan na tumaya sa Olongapo City ang tumama ng mahigit P700 milyon na jackpot prize sa 6/55 draw. – FRJ, GMA News
Tags: lotto, grandlotto