Tikman ang ipinagmamalaki at masarap na puto ng Calasiao, Pangasinan!
Bukod sa produktong bangus ng Dagupan, kilala rin ang lalawigan ng Pangasinan sa paggawa ng iba't-ibang kakanin... Ngayong buwan ng Mayo ibinida sa bayan ng Calasiao ang matamis at binabalik-balikang puto na siyang kanilang pangunahing produkto. Pero alam niyo bang may iba't-ibang paraan para ihanda ang puto? Ito ang ibinida ng mga Taga-Calasiao sa kanilang 101 Ways to serve Puto. Sa presentasyon pa lang, tiyak na matatakam sa ganda ng pagkakahanda sa mga pagkain na ang pangunahing sangkap ay puto. Kabilang sa mga sumali at nakisaya sa 101 Ways to serve Puto ay ang mga guro mula sa iba't-ibang pampublikong paaralan at iba pang organisasyon sa bayan. Layunin umano ng lokal na pamahalaan na ipakita ang galing at talento ng mga Taga-Calasiao. Nais rin nilang patunayang may iba't-ibang pagluto o paraan para ma-enjoy ang puto Calasiao. Ang ilang mga nag-abang, hindi makapaniwala sa Puto Calasiao pala ang nakahanda bagay na nagpapatunay ng pagiging malikhain at maabilidad ng mga Pangasinense. May iba't-ibang konsepto ang mga kalahok gaya na lang ng "Puto Veggie with Tahong" na talagang masustansya at tiyak na magugustuhan maging ng mga bata. Hindi rin nagpahuli sa kakaibang presentasyon ang "Puto Siomai" na may nakahandang sawsawang toyo at kalamansi. Nagustuhan naman ito ng mga tumikim lalo't sa kombinasyon ng maasim, maalat at matamis na lasa nito. Taun-taon daw ginaganap ang 101 Ways to serve Puto at hindi maiiwasang laging mamangha ang mga dumadalong bisita dahil laging may kakaiba silang nakikita. Ang 101 Ways to serve Puto ay isinagawa bilang bahagi ng taunang Puto Festival ng bayan ng Calasiao. --Glamorfe Calicdan