Filtered By: Topstories
News

Panata ng pinakabatang nagpapako sa krus sa Bulacan, nakamit na


PAOMBONG, Bulacan — Pagkaraan ng labing-anim na taon, hindi na lalahok sa taunang pagpapako sa krus ang itinuturing pinakabatang deboto na sumalang sa matinding penitensiya ng mga Katoliko tuwing Semana Santa. Kinse-anyos lang noong 1994 nang unang magpapako sa krus si Alexie “Buboy" Dionisio, 35-anyos na ngayon. Huli siyang ipinako sa krus noong 2010 na ika-16 na sunod na taon niyang pagtupad sa umano’y naging utos sa kanya ng Panginoon. “Hanggang 16 times lang ang message sa akin na magpapako, like the number of the station of the cross," paliwanag ni Dionisio, na taunang nagpapapako sa krus sa Brgy. Kapitangan, Paombong. Ngunit anumang oras ay nakahanda umano si Dionisio na magpapako muli sa krus kapag nakatanggap siya muli ng mensahe sa tinawag niyang “Diyos Ama." “Sakaling may mensahe sa akin, nakahanda ako. Parang on call, anytime, anywhere, kahit hindi Mahal na Araw, basta may hudyat sa akin," pahayag ni Dionisio na lagi umanong bitbit ang pako na ginagamit sa pagpapako sa kanya saan man siya magpunta. Idinagdag niya na tuloy pa rin ang nakagawian niyang iba pang tradisyon tuwing Semana Santa tulad ng pagdaraos ng pabasa sa kanilang bahay, pagpapaligo sa milagrosong imahe ng Sto. Cristo sa kapilya, at ang pag-Bisita Iglesia sa mga simbahan sa Bulacan. Ipinaalam din ni Dionisio, na apat na deboto ang magpapako sa krus sa Paombong sa susunod na linggo. Isa umano ang ipapako sa Huwebes Santo at tatlo sa Biyernes Santo. Ang nag-iisang babae na ipinako sa krus sa Bulacan noong 2010 ay magpapako naman sa krus sa San Pedro Cutud, San Fernando City, Pampanga sa Miyerkules Santo. Wala pa ring dayuhan na pinapayagang makasama sa pagpapapako sa krus sa Bulacan. Matatandaan na naging kontrobersiyal ang pagpapapako sa krus ng Australian comedian na si John Safran noong 2009. - GMA News