Filtered By: Topstories
News

Imbestigasyon sa jueteng payola pwedeng simulan kay Usec Puno, ayon kay Cruz


MANILA – Wala pa ring balak si dating Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na pangalanan ang mga opisyal ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na tumatanggap umano ng jueteng payola. Ayon kay Cruz, hindi niya pangangalanan ang mga opisyal dahil mas makabubuting pakilusin ng gobyerno ang intelligence network nito upang makilala kung sino ang mga nakikinabang sa ilegal na sugal. “Gusto ko ang administrasyong ito ay magtrabaho kahit konti. Madaling tukuyin kung sino ang sinasabi ko," pahayag ni dating arsobispo sa panayam ng Radio Veritas nitong Martes. Ayon kay Cruz, dapat pakinabangan ng gobyerno ang milyung-milyong pondo na inilalaan sa intelligence fund ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation at Armed Forces of the Philippines. “Nakakahiya po ito, antayin pa nila ang isang matandang hukluban na siyang magsasabi sa kanila kung sino (tumatanggap ng payola), come-on, kaunti namang listo," idinagdag niya.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kung nais umano ni Aquino na malaman kung sino ang mga opisyal na tumatanggap ng jueteng payola, sinabi ni Cruz na maaari itong simulan sa isiniwalat ni Interior and Local Government (DILG) undersecretary Rico Puno na may ilang tao ang lumapit sa kanya tungkol sa jueteng operation. Ngunit iginiit ni Puno na wala siyang pinagbigyan at wala siyang tinanggap na jueteng payola dahil batid umano ng lahat kung gaano siya kalapit kay Aquino. “Kung gusto nilang magsimula yung mismong nag-alok na yun ay kilala ni Usec Puno, siya mismo ang kinausap. Yung mga ganito ay hindi naman kailangang maging marunong kayo para malaman niyo ito. Umpisahan nila doon baka maka-strike sila," payo ni Cruz. Kasabay nito, sinabi ng dating arsobispo na hindi pa siya handa na personal na makaharap si Aquino para sabihin ang kanyang nalalaman sa jueteng payola. “Sabi nga gusto raw akong makausap, pero tatapatin ko kayo, una sinabi niyang susugpuin ang jueteng; ikalawa sinabi niyang hindi raw niya priority, saan ako lulugar? Ano ba talaga," tanong ni Cruz. “Hindi ko alam kung totoong gusto niya akong makausap pero hindi pa ako nakahandang makipag-usap. Ang alam ko dapat alam din nila, yun ang sinasabi ko," dagdag ng nagretirong arsobispo. Nagpahayag din ng pagdududa si Cruz sa pangako ng pamahalaan na mananagot ang mga sangkot sa jueteng dahil matagal na umano niyang naririnig ito pero patuloy pa rin sa pamamayagpag ang ilegal na sugal. - MP, GMANews.TV