Provincial jail warden ng Bulacan namimiligrong masibak
MALOLOS CITY – Tiniyak ni Bulacan Governor Wilhelmino Alvarado na masisibak ang provincial jail warden ng lalawigan matapos madiskubre ang ilegal na droga at malaking halaga ng pera sa selda ng ilang bilanggo. Sinabi ni Alvarado sa media na hindi na niya kailangang maghintay ng rekomendasyon para palitan ang provincial warden na si Adelio Asuncion. Ipinaliwanag ng gobernador na saklaw ng kanyang tanggapan ang provincial jail kaya maaari siyang kumilos patungkol sa mga namamahala ng bilangguan. Itinalagang provincial jail warden si Asuncion noong 2005 matapos ang isang riot sa piitan na ikinamatay ng isang preso. Ang napipintong pagsibak kay Asuncion ay bunga ng nadiskubreng 200 gramo ng shabu nitong Biyernes sa selda ng isang Chinese, bukod pa sa halos P400,000 pera sa ibang selda. Sinasabing ang droga ay nakuha sa selda ni Cai Qun Zhen, na inaresto noong 2009 dahil sa kasong pagmamantine ng isang laboratoryo ng shabu sa Meycauayan. Samantala, nakuha naman ang P240,000 sa selda ni Delfin De Guzman alias Ka Baste, isa umanong lider ng New Peoples Army sa Bulacan, at nahaharap sa kasong pagpatay. May nakumpiska ring salapi sa iba pang selda na aabot sa P158,000, at mga gamit katulad ng DVD player, patalim, at cellphone na ipinagbabaw sa loob ng iitan. Ayon kay Police Senior Supt. Fernando Villanueva, OIC-Director sa Bulacan, ang shabu ay pinapaniwalaang naipasok sa kulangan sa pamamagitan ng pagsingit sa mga lata ng gatas na dinadala ng mga kamag-anak ni Zhen. Samantala, idinahilan umano ni De Guzman na ang perang nakuha sa kanyang selda ay gagamitin na pambayad sa kanyang piyansa. Ngunit hinihinala ng mga imbestigador na “revolutionary" o “campaign" tax sa nakaraang halalan ang naturang halaga dahil kasama umanong nakuha sa pera ang listahan ng pangalan ng ilang pulitiko at may nakalagay na halaga. - GMANews.TV