Filtered By: Topstories
News

Miyembro ng Gabinete pinag-aaralan na ni Noynoy


TARLAC CITY — Bagaman ayaw pang angkinin ni Liberal Party standard bearer Benigno "Noynoy" Aquino III ang tagumpay sa katatapos na halalan, inamin naman nito na mayroon na siyang mga ikinukonsiderang magiging kasapi ng kanyang Gabinete. Sa pulong balitaan na ginawa sa Hacienda Luisita nitong Martes, sinabi ni Aquino na hindi pa niya maaaring ideklara ng panalo dahil ang Kongreso na aaktong board of canvassers at bibilang ng mga boto para sa presidente at bise presidente ang tanging may karapatan na magsabi kung sino ang tunay nagwagi sa halalan. "After the Comelec (Commission on Elections) is done, it is still the Congress [which will] proclaim the victor. I don't want to claim victory prematurely," ayon sa 50-anyos na si Aquino. Ang pahayag ay ginawa ng senador ilang oras matapos tanggapin ni Nacionalista Party presidential bet Manny Villar ang pagkatalo at ipinarating ang pagbati sa panalo ni Aquino. Batay sa partial at unofficial count ng GMA News nitong Martes, nakakuha na si Aquino ng 13,165,343 boto. Sumusunod sa kanya si dating pangulong Joseph Estrada na may 8,425,937 boto; pangatlo si Sen Villar na may 4,739,299 boto, at si administration bet Gilberto Teodoro na may 3,509,495 boto. Tinanggap na rin ni Teodoro ang kanyang pagkatalo sa pinsang si Aquino, habang kumpiyansa naman si Estrada na makakahabol pa. Hihintayin umano ni Estrada ang gagawing bilangan sa Kongreso bago siya magdedesisyon kung iwawagayway na ang puting bandila.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Tutok kay Mar Sa isang pahayag, ipinaabot ni Aquino ang pasasalamat sa mga Pilipino at tiniyak na gagawin ang lahat ng kanyang makakaya sa bagong responsibilidad. "It has been an honor to share this humbling experience with all of you as we begin to accept the responsibility of leading our nation of over 90 million Filipinos. However, our commitment to the integrity of this election was and remains that the vote of each and every Filipino be counted fairly and honestly," aniya. Sa ngayon, nakatuon umano ang kanilang atensiyon sa LP na matiyak na mabibilang ang lahat ng boto para sa kanyang katambal na si Sen Mar Roxas, na nakabuntot sa nangungunang si Makati City Mayor Jejomar Binay na running mate ni Estrada. Sa bilang ng mga boto para sa bise presidente, nakakuha si Binay ng 12,921,425 boto, kumpara sa nakuha ni Roxas na 12,072,372 boto. Pangatlo naman ang katambal ni Villar na si Sen Loren Legarda na may 3,607,797 boto. Emosyunal na tinanggap ni Legarda nitong Martes ang muli niyang pagkatalo sa posisyon ng bise presidente. Noong 2004 elections ay tumakbong pangalawang pangulo si Legarda kasama ang presidential candidate na si Fernando Poe Jr. Ang tambalang Poe-Legarda ay hindi umubra sa tambalan nina Pangulong Gloria Arroyo at Vice President Noli De Castro. "When the vote is complete there will be plenty of time for declarations. Our priority today is to make sure that every vote for Mar Roxas is counted fairly and honestly," ayon kay Aquino. Posisyon kay Gibo Inihayag ni Aquino na bukas siya sa posibilidad na bigyan ng posisyon sa gobyerno ang pinsan na si Teodoro dahil hindi naman ipinagbabawal sa batas na magtalaga siya ng malayong kamag-anak. "I did check, he (Teodoro) would not be subject to the law on appointing relatives up to the fourth degree of consanguinity or affinity. He's a fifth degree relative," paliwanag ni Aquino. "Bukas po tayo kung gusto n'ya makipagpanayam, anytime po. Pinilit naman po n’ya na iiwan yung ating debate sa mataas na antas at yun po ay pinapasalamatan natin," idinagdag niya. Ikinukonsidera rin umano ni Aquino na ibalik sa Dingky Soliman sa dati nitong posisyon bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development. Isang miyembro din umano ng LP na abogado ang ikinukonsidera ni Aquino na hiranging executive secretary pero tumanggi siyang pangalanan ito. - GMANews.TV