Filtered By: Topstories
News

Mikey Arroyo puwedeng kinatawan ng mga sikyu, drayber – Comelec


MANILA – Inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang nominasyon ni presidential son at Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey" Arroyo para katawanin sa Kongreso ang mga tricycle driver at security guard. Sa ipinalabas na joint resolution ng Comelec nitong Mayo 7, ibinasura ng komisyon ang dalawang disqualification case na inihain nina Nacionalista Party senatorial bets Liza Maza at Satur Ocampo, at party-list group Bayan Muna laban kay Arroyo dahil sa kawalan ng merito. Nakasaad sa resolusyon na nagawa ni Arroyo ang lahat ng itinatakda sa Section 9 ng Republic Act 7941 o Party-list System Act, bilang isang party-list nominee. Sinabi ng Comelec na bona fide member ng “Ang Galing Pinoy" Party-list si Arroyo mula pa noong November 2009, at aktibo nitong itinaguyod sa mga programa at proyekto ng grupo. “Evidently, therefore, the respondent had clearly immersed himself with the hopes and aspirations of the party and the sector it represents. He has as much right to be a nominee as any other member of the party," ayon sa desisyon ng Comelec. Sakaling makakuha ng sapat na boto ang party-list group, makababalik si Arroyo sa Kamara de Representantes para katawanin ang mga drayber ng tricycle at mga security guard. Hindi na muling tumakbo si Arroyo bilang kinatawan ng second district ng Pampanga matapos magbigay-daan sa kanyang ina na si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Magtatapos ang termino ni Gng Arroyo bilang pangulo sa Hunyo 30. Sa lawak ng impluwensiya ng pangulo, inaasahan ang panalo nito bilang kongresista sa Pampanga. Hinihinala ng mga kritiko ng administrasyon na ang pagtakbo ni Gng Arroyo bilang kongresista ay taktika para makuha nitong ang posisyon bilang Speaker ng Kamara at makabalik sa kapangyarihan kapag napalitan ng parlamentarya ang sistema ng pamamahala sa Pilipinas. Sa petisyon kontra kay Rep. Arroyo, iginiit ng mga militanteng grupo na “bogus" ang party-list group at malabong maging kinatawan ng security guard at tricycle driver ang kongresista. - GMANews.TV