Filtered By: Topstories
News

Malagim na sunog sa disco club


Alam n’yo ba kung saan at kailan naganap ang pinakamalagim na insidente ng sunog sa disco club sa Pilipinas na nagresulta sa pagkasawi ng may 160 tao na karamihan ay kabataan? Hatinggabi ng Marso 18, 1996 nang magliyab ang loob ng Ozone Disco Club sa Timog Avenue, Quezon City. Tinatayang mahigit 300 tao ang nasa loob ng establisamiyento nang maganap ang trahedya. Karamihan sa kanila ay mga kabataan na nagdiwang dahil sa pagtatapos ng klase, habang ang iba naman ang nagtapos sa high school. Sinasabing dinagsa ng tao ang Ozone Disco dahil sa malaking discount na ipinagkaloob ng establisamiyento nang araw na iyon. Lumilitaw sa imbestigasyon na ang sunog ay nilikha ng faulty electrical wiring. Mabilis na kumalat ang apoy at nabalot kaagad ng maitim na usok ang tinatayang 50 metrong sukat ng establisamiyento.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Batay sa mga nagbasang ulat, sinasabing walang fire exit ang disco house ngunit pinabulaanan ito ng may-ari ng club. May mga pahayag din na hindi nagawang makalabas kaagad ng mga biktima dahil ni-lock ang pinto sa labas sa pag-aakala ng guwardiya na may nagaganap na karaniwang kaguluhan sa loob. May mga paniwala rin na hindi nabuksan ang pinto ng club dahil salungat ang ginawang paghatak sa pinto ng mga nag-panic na biktima. Nang maapula ang apoy, tumambad sa mga bumbero ang patong-patong na bangkay ng mga nasawi sa likod ng pintuan. . Bukod sa tinatayang 160 tao na nasawi, hindi rin bababa sa 50 tao ang isinugod sa mga ospital dahil sa matinding sunog na tinamo sa kanilang katawan. Ilang opisyal ng lokal na pamahalaan at may-ari ng establisamiyento ang kinasuhan sa naganap na trahedya. Ang naturang trahedya ang naging dahilan para ipag-utos ng lokal na pamahalaan na obligahin ang mga may-ari ng establisamiyento na “wing door" ang gamiting pinto sa kanilang gusali para mabubuksan ito paloob man o palabas ang hatak. Pagkalipas ng 14-taon mula nang maganap ang trahedya, nanatiling bakante ang loteng kinatitirikan ng dating Ozone Disco club. – FRJ, GMANews.TV

Tags: pinoytrivia