Filtered By: Topstories
News

Pangarap ng OFW na napagkamalang killer ng anak ng Palace official naglaho


CALUMPIT, Bulacan – Bukod sa kahihiyan at pasakit, naglaho rin ang pangarap ng 26-anyos na overseas Filipino worker (OFW) nang makulong sa Qatar at pabalikin sa Pilipinas matapos mapagkamalang pumatay sa anak ng isang opisyal sa Malacanang. Sa panayam kay Jason Vivar Aguilar, 26-anyos, binata, nakatira sa Brgy Panducot, sa bayan ng Calumpit, inilahad niya na pangarap sana niyang maipagawa ang kanilang bahay at makatulong sa pamilya kaya siya nangibang bansa. Umalis ng Pilipinas si Aguilar noong Nobyembre 18, 2009 patungong Qatar para magtrabaho bilang welder. Batay sa nakuha niyang kontrata, dalawang taon sana siyang mananatili sa nabanggit na bansa. Ngunit lumabo ang pag-asang makamit ni Aguilar ang kanyang pangarap nang dakpin siya ng mga Qatari police noong Disyembre 31 at ikulong ng pitong araw. Pagkatapos nito ay ipinadeport siya sa Pilipinas nitong Huwebes. Halos masira umano ang ulo niya sa kakaisip kung ano ang nagawa niyang kasalanan para ikulong at ipadeport. “Hindi ko alam kung ano ang kaso ko dahil hindi naman nila ako binasahan ng sakdal," kuwento ni Aguilar.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Mula sa jail, pinasakay ako sa sasakyan diretso sa airport at doon na ako sa sasakyan nagbihis, tapos diretso na ako sa Maynila," idinagdag niya. Bagaman, natapos ang kanyang kalbaryo nang mapatunayan na hindi siya hinahanap na suspek sa pagpatay sa anak ng opisyal ng Malacanang, nagsimula namang problemahin niya kung saan kukuha ng pambayad sa mga nautang para magpunta sa Qatar. Ang OFW na si Aguilar ay napagkalaman na si Jason Aguilar Ivler, ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Renato Victor Ebarle Jr., na binaril sa loob ng kanyang sasakyan sa Quezon City noong Nobyembre 18 – ang araw nang umalis si Aguilar patungong Qatar. Si Ivler ay anak ng manunulat na si Marlene Aguilar na kapatid ng sikat na mang-aawit na si Freddie Aguilar, ang kumanta ng “Anak." Pahayag ng kapatid ng OFW na si Aguilar, na si Jeanette Aguilar-Lopez, nalaman lamang nila na ikinulong ang kanilang kapatid nang tumawag sa kanila ang mga kasamahan nito sa trabaho noong Disyembre 31. “Nataranta at natakot na kami para sa kanya, at hindi namin malaman ang gagawin," ayon kay Lopez na maging ang selebrasyon ng kanilang pamilya sa pagsalubong sa Bagong Taon ay labis na naapektuhan. – GMANews.TV