Filtered By: Topstories
News

Bahagi ng Mindanao nilindol


Niyanig ng lindol ang katimugang bahagi ng Pilipinas sa magnitude na 5.4 nitong Sabado ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). Natumbok ang sentro o epicenter ng lindol sa 54 kilometro ng hilagang bahagi ng Mati City sa Davao Oriental, sa lalim na 49 kilometro mula sa kapatagan. Ang lindol na may Intensity II ay naramdaman sa lungsod ng Davao City, dakong 1:09 pm, ayon sa Phivolcs. Idinagdag sa ulat ng Phivolcs na ang pag-uga ng lupa ay tinatawag na “ tectonic in origin," at hindi makakapinsala. Isang oras matapos ang lindol sa Davao, iniulat sa isang himpilan sa radio na mayroon ding paglindol na naganap sa General Santos City. Wala namang kaagad naibigay na detalye ang Phivolcs tungkol sa ikalawang paglindol dahil hinihintay pa umano ang ulat na manggagaling sa lalawigan. Dahil dito, hindi pa matiyak kung aftershock ng lindol sa Davao city ang naramdaman sa GenSan. - GMANews.TV