Filtered By: Topstories
News

Suporta sa sektor ng agrikultura sa harap ng problema ng climate change hiniling


MANILA – Nanawagan ang isang senador sa pamunuan ng Department of Agriculture (DA) na magsagawa sa lalong madaling panahon ng mga programa upang suportahan ang sektor ng agrikultura upang hindi lubos na maapektuhan ang produksiyon ng pagkain sa bansa dulot ng climate change. Sinabi ni Sen Manny Villar na kailangang ituon ng DA sa pangunguna ni Sec. Arthur Yap ang atensiyon nito sa paghahanda ng mga programang pangontra sa negatibong epekto ng pagbabago ng klima ng panahon sa mundo. “Kapag pinag-uusapan natin ang climate change, kaagad itong naikakabit sa kapaligiran. Nagdudulot ito ng chain reaction kabilang dito ang kalusugan ng mamamayan, ang sektor ng agrikultura na lubhang nakakaapekto sa suplay ng pagkain. Mahalagang pagtuunan ito at kumilos tayo kaagad," ayon sa mambabatas. Upang matugunan ang problema, naghain si Villar ng ilang panukalang batas at resolusyon upang suriin ang epekto ng climate change sa iba’t ibang aspeto ng buhay ng mamamayan kabilang ang mga industriya o sektor. Kasama sa inihain ni Villar ang Senate Resolution No. 1520 na nagsusulong sa crop forecasting, agro-meteorology at iba pang katulad na modernong kagamitang agrikultura. Sa pamamagitan nito, maalalayan umano ang sektor ng agrikultura at magkakaroon ng katiyakan ang produksiyon ng pagkain sa bansa. Sinabi ng mambabatas na dapat isama sa prayoridad ng susunod na administrasyon ang magiging epekto ng climate change sa kalusugan ng tao at kapaligiran ng bansa. Tinukoy ni Villar sa inihain niyang Senate Bill 1520 ang paglagda ng Pilipinas sa United Nations Framework on Climate Change na naglalayon na makabuo ng patakaran at maipatupad ang makatotohanang programa para mabawasan ang nagiging dahilan ng paglala ng climate change. Iginiit niya na habang sumusuporta ang pamahalaan sa kasunduang ito, dapat matiyak din ang produksiyon ng pagkain na hindi nagiging hadlang sa kaunlaran sa ekonomiya ng bansa. “Lubhang naapektuhan ang suplay ng produktong agrikultural sa buong bansa ang pananalanta ng mga nagdaang bagyo sa pananim at ani ng mga magsasaka. Sa ganitong punto, dapat makagawa tayo ng isang mahusay na pamamaraan upang maiwasan ang epekto na dulot ng mga lumalakas na bagyo. Kailangan ang pagsasagawa ng crop forecasting at paggamit ng modernong kagamitan sa agrikultura," ayon kay Villar. Ang crop forecasting ay isang uri ng sining sa pagtataya sa dami ng aanihin (kung ilang tonelada bawat ektarya) at produksiyon na ginagawa dalawang buwan bago ang anihan. Tinutukoy naman sa agro-meteorology ang patuloy na pag-aaral at aplikasyon ng mga kaugnayan ng meteorology at agrikultura, na kinasasangkutan ng mga problema tulad ng tamang panahon ng pagtatanim at pagsusuri sa epekto. Gayundin ang idudulot ng pagbabago ng panahon at klima sa pananim, lupa, livestock at iba pang operasyon sa agrikultura. - GMANews.TV