Filtered By: Topstories
News

Sanhi ng baha sa Pangasinan aalamin; 2 dike ‘di kinaya si ‘Pepeng’


Iginiit ng isang kongresista sa Pangasinan na dapat alamin ang sistema sa pagpapakawala ng tubig sa dam na pinapaniwalaang naging pangunahing dahilan ng matinding pagbaha sa lalawigan. Kasabay nito, dalawang dike sa Pangasinan ang nasira matapos na hindi kayanin ang ibinuhos na ulan ng bagyong “Pepeng" na halos isang linggong nanatili sa teritorya ng Pilipinas. Ayon kay Pangasinan Rep. Mark Cojuangco (5th district), nais niyang malaman kung nagkaroon ng kapabayaan sa pagpapakawala ng tubig sa mga dam, partikular sa Agno na dahilan ng matinding pagbaha sa lalawigan. “The heavy flooding in the province is unprecedented," ayon kay Cojuangco, anak ng business tycoon na si Eduardo “Danding" Cojuangco. Sinuportahan ni An Waray party-list Rep. Florencio “Bem" Noel ang pahayag ni Cojuangco upang mabigyan ng sapat na impormasyon ang publiko sa sistema ng pagpapakawala ng tubig tuwing may malakas na bagyo. Sa isinagawang budget hearing sa Kamara de Representantes nitong Biyernes, sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) commandant Admiral Wilfredo Tamayo, na kailangan ng ahensiya ang mas malaking pondo para mapahusay ang kanilang kagamitan bunga na rin ng tumitinding kalamidad sa bansa. Ayon sa opisyal, taong 2004 pa nang huling bumili ng barko ang PCG. Bukod sa lumalalang problema sa climate change, sinabi ni Tamayo na kailangan ding isulong ang modernisasyon ng PCG dahil na rin sa problema ng smuggling. Dahil sa walang tigil na pag-ulan, binuksan ng San Roque Dam ang anim nitong floodgates upang magpakawala ng tubig para maiwasan ang higit na malaking trahedya kapag nawasak ang dam. Bukod sa San Roque, nagpakawala rin ng tubig ang iba pang mga dam gaya ng Angat, Pantabangan, Ambuklao, Magat, at Binga.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV 2 dike bumigay Dalawang dike naman sa Pangasinan ang nawasak dahil sa matinding tubig na pinakawalan ng bagyong “pepeng" na nagdulot ng matinding baha sa mga bayan ng Villasis at Rosales. Ayon kay Provincial administrator Rafael Baraan, bumigay ang Lipay dike sa Villasis nitong mdaling araw ng Biyernes, at ang Carmen dike sa Rosales noong Huwebes ng gabi. Idinagdag ni Baraan na hindi na madaanan ang mga kalsada sa dalawang nabanggit na bayan. Sinabi naman ni Myra Romero ng Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC) na lagpas tao ang naging baha sa dalawang bayan. Pinapaniwalaan din na masyadong malakas ang agos ng tubig kaya tuluyang bumigay ang mga dike. Ayon sa isang residente sa Villasis, Huwebes pa lamang ng hapon ay inaasahan na nilang babaha sa kanilang bayan matapos nilang mapuna ang pagtaas ng tubig sa Agno River. "Nun pa lang alam na naming na bibigay na yung dike," pahayag ni Richard Cuison ng Zone 4 Poblacion. Sinabi ni Cuison na karamihan sa mga residente ay nasa ikalawang palapag ng town hall dahil umabot na hanggang leeg ang tubig sa lugar. "Sa kalsada hanggang leeg ang tubig. Hindi kami makalabas (dahil) ang lakas ng daloy ng tubig," kuwento niya. Una umanong nagtungo ang mga lumikas ng kanilang bahay sa Villasis Gymnasium ngunit iniwan din nila ang lugar nang pati ito ay bahain na rin. Sa bayan ng Rosales, daan-daang motorista at tao ang naipit sa highway malapit sa SM Rosales dahil sa matinding baha, ayon kay Petty Officer 3 Richard Caluya ng Philippine Coast Guard. Sa taas ng baha, lumubog na umano sa tubig ang mga maliliit na sasakyan. "Marami nang nagsisigawan, kinakawayan kami. Hindi pa kami maka-penetrate," ayon kay Caluya. Inaasahan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), na lalabas na sa teritoryo ng Pilipinas si “Pepeng" sa Sabado. – GMANews.TV