Filtered By: Topstories
News

Unang pelikulang Pinoy sa Cannes Film Festival


Alam n’yo ba kung anong pelikulang Pinoy ang kauna-unahang ipinalabas sa prestihiyosong Cannes Film Festival noong 1978?

Ang pelikulang “Insiang" na ginawa ng yumaong direktor na si Lino Brocka noong 1976 ang kauna-unahang pelikulang Pinoy na ipinalabas sa Director’s Fortnight sa Festival de Cannes.

Ang “Insiang" na nilikha ng premyadong manunulat na si Lamberto Antonio ay ginampanan sa pelikula nina Hilda Koronel (Insiang), Mona Lisa, Ruel Vernal at Rex Cortez.

Hindi man nanalo sa Cannes, humakot ng parangal ang “Insang" sa iba’t-ibang award giving bodies sa Pilipinas. Kinilala ng FAMAS bilang best actress sa naturang pelikula si Hilda at best supporting actress naman si Mona Lisa.

Sa Gawad Urian, nakuha ni Vernal ang parangal bilang best actor, at kapwa best actress sina Hilda at Mona Lisa. Tinanghal naman na best director si Brocka at best in editing si Augusto Salvador.

Hinakot naman ng “Insiang" ang parangal sa Metro Manila Film Festival kung saan tinanghal na best actress si Hilda, best supporting actor si Vernal, best supporting actress si Mona Liza at best cinematography si Conrado Baltazar. —Fidel Jimenez/KG, GMANews.TV