ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Malolos City inaasahang maging distrito bago matapos ang Mayo
MALOLOS CITY â Iginiit ng alkalde sa bayang ito na magkakabisa ang ipinasang batas ng Kongreso na gawing hiwalay na distrito ang Malolos sa lalawigan ng Bulacan kahit hindi pirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang naturang batas. Inaasahang magkakabisa ang ipinasang Republic Act 9591 na nagdedeklara sa Malolos na hiwalay na distrito bago matapos ang Mayo o pagkalipas ng 15-araw matapos ipalathala sa mga pahayagan ang ipinasang batas. Inamyendahan ng RA 9591 ang Sec. 57 ng Republic Act 8757 o ang batas na lumikha sa Malolos City na naging daan para dagdagan ang distrito ng Bulacan. Sinabi ni Mayor Danilo Domingo na nakatanggap siya ng sulat kay Marianito Dimaandal ng Malacanang Records Office noong Mayo 13 na naglalaman ng dalawang pahinang kopya ng RA 9591 na pinagtibay ng Senado noong Pebrero 16 na isinumite sa Malacanang. Matapos ang 73 araw mula nang ipasa ng Kongreso ang panukala, hindi pa rin ito pinipirmahan ni Gng. Arroyo. Nakasaad umano sa ipinasang batas na, âlapsed into law on May 1, 2009 without the signature of the President, in accordance with Article VI Section 27 (1) of the Constitution." Sinabi ni Domingo na masusubukan ang bisa ng ipinasang batas kapag naisama sa listahan ng mga distrito sa Bulacan ang Malolos upang maghalal ng kinatawan sa Kamara de Representantes. Inaasahan naman na magkakaroon ng kontrobersiya sa Malolos district dahil sa banta ni Bokal Christian Natividad na magsasampa siya ng petisyon Korte Suprema tungkol sa pagkakatatag ng distrito. âHindi ako tutol sa lone district, gusto ko lang linawin ang prosesong ginamit sa pagpapatibay nito," ayon kay Natividad. Una ng kinuwestiyon ni Natividad ang proseso sa ginawang pagpasa ng Kongreso na gawing distrito ang Malolos dahil hindi umano sapat ang populasyon ng lungsod para maging distrito. Ngunit para kay Domingo, tapos na ang usapan hinggil sa legalidad ng paglikha sa lone district ng Malolos dahil sa pinagtibay na ito ng Kongreso at magiging opisyal na itong batas kahit hindi pirmahan ng Pangulo. - GMANews.TV
More Videos
Most Popular