Filtered By: Topstories
News

Computer system na gagamitin ng Comelec sa 2010 elections handang subukin ng solon


MANILA – Handang subukan ng isang kongresista mula sa Mindanao kung gaano kaligtas ang sistemang gagamitin ng Commission on Elections (Comelec) sa computerized elections sa May 2010 presidential polls. Sinabi ni Agusan del Sur Rep. Rodolfo “Ompong" Plaza na tatanggapin niya ang hamon ng Comelec na i-hack ang computer system na gagamitin ng Comelec kung pagbibigyan ang kanyang mga kondisyon. “I accept the challenge of the Comelec to hack them, on the following terms and conditions," ayon sa kongresista. “First, we will be allowed to choose our own weapons, there will be no time limit, the whole process will be televised, the primary objective is to paralyze the system, the secondary objective is to manipulate the data and the tertiary objective is to crack the software code," ayon kay Plaza. Kamakailan ay inapruhan ng Kongreso ang P11.3 bilyong pondo para sa ipatutupad na poll automation ng 2010 elections. Ngunit ilang mambabatas ang nangangamba na maging daan ng mas madaling pandaraya ang naturang modernong halalan. Sa kabila nito, inihayag ng Comelec na kumpiyansa silang hindi kayang i-hack ang sistema na gagamitin nila sa 2010 elections upang mapadali ang bilangan ng boto. Sinabi ni Jose Tolentino, executive director ng Comelec na kumpiyansa sila sa security features na nakapasok sa precinct count optical scan (PCOS) machines upang biguin ang mga hacker. Magsasagawa rin ng mock elections ang Comelec tatlong araw bago ang aktuwal na halalan sa Mayo 10, 2010 upang masiguro ang kapasidad ng gagamiting makina sa halalan. - GMANews.TV