Filtered By: Topstories
News

Deployment ban sa Iraq posibleng alisin, ayon kay Noli


MANILA – Sinabi ni Vice President Noli de Castro nitong Lunes na posibleng tanggalin ng pamahalaan ang deployment ban ng overseas Filipino workers sa Iraq matapos dumalo sa 6th RP-Iraq Joint Commission Meeting nitong Enero 22. Ayon kay De Castro, kasalukuyang presidential adviser on OFWs, isang team ng Pilipinas ang ipadadala sa Iraq upang suriin ang sitwasyon doon at tingnan kung ano ang maitutulong ng mga Filipino upang muling buuin ang naturang bansa na nagdaan sa digmaan. Sa pulong na dinaluhan nito, inihayag ng delegasyon ng Iraqi na mangangailangan ng malaking bilang ng mga manggagawa ang kanilang bansa lalo na ang mga skilled workers para sa construction at infrastructure projects, medical at allied services. Kailangan din umano ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura at maging sa science and technology sectors. “Bilang presidential adviser on overseas Filipino workers (OFWs), tinitiyak natin sa delegasyon na malapit nang tanggalin ng Pilipinas ang travel ban sa pagpapadala ng manggagawang Pilipino sa Iraq kapag nagarantiyahan na ligtas at segurado ang kondisyon sa pagtatrabaho para sa ating kababayan," ayon kay De Castro. Inihayag niya na ikinokonsidera rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagbubukas ng Philippine embassy sa Baghdad sa harap ng positibong nangyayari sa Iraq at naghahanap na rin ang ahensiya nang lugar na malapit sa Philippine chancery sa Baghdad . Nitong Enero 22, nakipagpulong si De Castro kay Excellency Bayan Mohammed, Minister of Construction and Housing at pinuno ng Iraqi delegation sa 6th RP-Iraq Joint Commission Meeting. Ayon kay De Castro, isusulong nito ang cooperation agreements sa proyektong pabahay upang tugunan ang 2.5 milyong bilang ng tahanan na kailangan itayo sa Iraq . “We welcome prospects that would expand the opportunities for our workers and private developers and contractors," aniya. “I hope that the 6th RP-Iraq Joint Commission Meeting would enable a productive exchange of views and eventually result to cooperation agreements between the Philippines and Iraq along the areas of housing, labor, science and technology, health and agriculture. - GMANews.TV