ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Negosasyon sa CPP-NDF posible pa - Ermita


MANILA - Sinabihan ng Malacañang nitong Martes ang liderato ng Communist Party of the Philippines na atasan ang kanilang armed group na New People's Army na itigil ang pag-atake sa tropa ng pamahalaan kung sinsero ito sa hangarin na ituloy ang usapang pangkapayapaan. Ang pahayag ay ginawa ni Executive Secretary Eduardo Ermita kasabay ng pagkumpirma na itinuloy ng pamahalaan ang back-channel negotiations sa CPP-NPA-National Democratic Front. Sinabi ni Ermita na muling binuksan ng pamahalaan ang negosasyon sa komunistang grupo dahil umano sa pahayag ng mga lider nito na sina NDF panel chairman Luis Jalandoni at political adviser Jose Maria Sison na handa sila na muling makipag-usap. Ngunit iginiit pa rin umano ng mga komunistang lider na kailangang sundin ng pamahalaan ang kanilang dating mga kahilingan bago pormal na ipagpatuloy ang negosasyon. Kabilang sa mga kahilingan umano ng NDF ay buhayin muli ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantee (JASIG), pag-alis sa warrants of arrest sa ilan nilang lider, pag-alis na terrorist tag sa NDF na ibinigay sa kanila ng United States at European Union. Sinabi ni Ermita na naungkat ang muling pagbuhay sa negosasyon sa NDF sa pulong ng National Security Council Cabinet Group meeting sa Malacañang. Nagbigay umano ng pahintulot si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa mga kasapi ng Gabinete na, "continue back-channeling with them." Ang komite na pinamumunuan umano ni Ma. Nieves Confesor ang namamahala sa back-channel talks sa NDF simula pa noong Mayo. “Time and again, the government has stressed that the issue of lifting the terrorist tag is not within the powers of the Philippine government while the issue of the JASIG and warrants of arrest would be difficult if the rebel group continues to attack government forces, innocent civilians or important facilities," ayon kay Ermita. "How can you reinstate the JASIG when your commander continue to order attacks on isolated station of police, isolated places? Remove the terrorist when they continue to harass and threaten?" idinagdag ng kalihim. "Dapat magpakita sila ng goodwill, na tinitigil iyun (attacks)…Dapat matapat sila sa layunin nila. This is the time na bigyan nila ng instructions sa field na huwag gumawa violent activities sa field… give the order to stand down, huwag gagawa ng violent activities," pagtatapos ni Ermita. - GMANews.TV