Filtered by: Topstories
News
Sa loob ng Vatican Museum: Ang mga popemobile at mga kagamitan ng mga Santo Papa
Text and Photos by RUTH CABAL, GMA News
Sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas, marahil isa sa pinaka-sinusubaybayan ay ang popemobile na gagamitin niya. Marami ang interesadong makita ito. Nasulyapan na ng publiko noong Lunes ang isa sa tatlo umanong popemobile (mala-jeep ang disenyo) na gagamitin ng Santo Papa nang magkaroon ng dry run sa rutang dadaanan ng kanyang convoy.
#PopeInPH: This is the "popemobile" that will be used by Pope Francis in Philippines pic.twitter.com/N87zPfc7qQ
— VaticanCommunication (@PCCS_VA) January 9, 2015
Bukas, at hindi bullet-proof ang popemobile. Mismong si Pope Francis umano ang nagsabing ang gusto niya ay bukas ang sasakyan niya, para makita siya at makita rin niya ang mga tao. May pahayag na rin siya noon na pakiramdam niya sa nakagisnang saradong popemobile para daw siyang nasa lata ng sardinas.
Paliwanag ni Bishop Ruperto Santos, chairman ng Committee on Transportation for the Papal Visit, ang popemobile ni Pope Francis ay sumasalamin umano sa mismong katauhan ng santo papa.
"It is simple which defines the nature of his holiness, simplicity and availability to all people, especially the simple and ordinary," Santos said.
Ang ganitong pananaw ay tila malayo sa tradisyunal na sinisimbolo ng popemobile o ng iba pang paraan ng transportasyon ng mga naging Santo Papa.
Nagsisilbi kasi ang mga itong trono nila sa labas ng simbahan – kakabit ang kapangyarihan at estado nila bilang lider ng mga Katoliko.
Mga nakaraan na popemobile
Nagsisilbi kasi ang mga itong trono nila sa labas ng simbahan – kakabit ang kapangyarihan at estado nila bilang lider ng mga Katoliko.
Mga nakaraan na popemobile
Sa Popemobile o Carriage Pavilion sa Vatican Museums, makikita ang ilang naging sasakyan ng mga Santo Papa. Ang sinasabing pinakalumang ginamit nila para makapaglibot ay ang tinatawag na "sedia gestatoria" o upuang kinakarag ng mga tao, na noo'y itinuturing na portable at ceremonial na trono.
![](http://images.gmanews.tv/v3/webpics/v3/2015/01/2015_01_14_14_34_12.jpg)
Kinakarga ito sa balikat ng ilang kalalakihan. Magarbo at mabusisi ang disenyo ng mga sedia gestatoria noon, na kahit gawa sa kahoy ninabalot rin ito ng silk, at may ginto at ivory.
Isang halimbawa ng sedia gestatoria na naka-exhibit pero 'di raw nagamit ang iniregalo kay Pope Leo XIII.
Sumakay rin ang mga Santo Papa sa mga enggrandeng karwahe, na ang ilang bahagi ay gawa rin sa ginto. Ilang karwahe mula pa noong 1800s ang naka-exhibit sa Vatican.
![](http://images.gmanews.tv/v3/webpics/v3/2015/01/2015_01_14_14_22_15.jpg)
Ang unang kotse na ginamit ng Santo Papa ay ibinigay ng Mercedes Benz bilang donasyon noong 1930 – ang Nurburg 460 limousine na dinisenyo ni Ferdinand Porsche. Ginamit ito ni Pope Pius IX. Sa sobrang galante nito, kala mo’y trono na rin nga ang upuan sa likod.
![](http://images.gmanews.tv/v3/webpics/v3/2015/01/2015_01_14_14_18_53.jpg)
Ang unang popemobile na kulay puti at bukas ay isang custom-made 1976 Toyota Land Cruiser na ginamit ni Pope Paul VI. Kasunod nito ang 1980 Fiat Campagnola na nagmarka sa kasaysayan dahil dito nakasakay si Pope John Paul II nang mabaril at masugatan noong May 13, 1981, habang nagiikot sa Vatican.
Unang naka-exhibit ang sasakyang ito noon lang 2012.
![](http://images.gmanews.tv/v3/webpics/v3/2015/01/2015_01_14_14_32_30.jpg)
Sa isang ulat sa Catholic News Service, sinabi ng art critic na si Sandro Barbagallo, na isa sa mga nag-ayos ng Popemobile Pavilion, ang pagdi-display raw ng sasakyang iyon ay sumisimbolo sa kahalagahan ng naging buhay at mga nagawa ni Pope John Paul II na isa ng santo. Dahil sa pagtatangka sa buhay niya, ang mga sumunod na popemobile, tulad ng 1990 Mercedes Benz 230, ginawa nang bullet-proof.
![](http://images.gmanews.tv/v3/webpics/v3/2015/01/2015_01_14_14_21_12.jpg)
Kahit ang Pilipinas may sariling bersyon na popemobile na gawa ng Francisco Motors at ginamit noong 1995 World Youth Day. Bullet-proof din ito, at tuwing may okasyon kaugnay ng sa ngayo’y Saint John Paul II, iniikot ito sa mga simbahan at iba pang lugar.
![](http://images.gmanews.tv/v3/webpics/v3/2015/01/2015_01_14_14_33_06.jpg)
Sistine Chapel, Castel Sant’Angelo, at iba pa
Pero bukod sa mga sasakyan lalo rin namang kita ang karangyaan ng pamumuhay noon ng ilang Santo Papa sa Vatican Museums. May ilang bahagi kasi ng museo na nagsilbi ring tirahan ng ilang Santo Papa.
Isa ring bahagi ng museo at pinaka-dinarayo ay ang Sistine Chapel, kung saan ginagawa ang Conclave o botohan sa pagpili ng bagong Santo Papa.
![](http://images.gmanews.tv/v3/webpics/v3/2015/01/2015_01_14_14_34_38.jpg)
Ang Castel Sant’Angelo ay isang mausoleo na minsan ding tinirahan ng ilang Santo Papa noong 1200s. May itinayo noong sikretong daanan mula Vatican papunta dito para madaling makatakas ang Santo Papa sa panahon ng mga pag-atake. Naka-exhibit ang ilan pang kagamitan ng mga Santo Papa at iba pang opisyal na tumira doon.
![](http://images.gmanews.tv/v3/webpics/v3/2015/01/2015_01_14_14_25_27.jpg)
Sa modernong panahon ang Santo Papa ay karaniwang tumitira sa Apostolic Palace. Ito ang lugar kung saan ginagawa ang lingguhang Angelus at ito ay matatanaw mula sa St. Peter’s Square.
Pero pinili ni Pope Francis na manirahan sa Casa Santa Marta, isang building na nagsisilbing hotel o tuluyan ng mga bumibisitang obispo at mga pari. Inilabas ng diyaryong L’Osservatore Romano ang litrato ng tinitirahan ngayon ni Pope Francis. Nasa may 50-square meters lang daw ito, may isang study at isa pang kwartong tulugan na ng Santo Papa.
![](http://images.gmanews.tv/v3/webpics/v3/2015/01/2015_01_14_14_33_44.jpg)
Sa report ng diyaryong Clarin sa Argentina, sumulat umano si Pope Francis sa isang kasamahan niyang pari doon at ipinaliwanag niya kung bakit niya ginustong sa Casa Santa Marta tumira –gusto umano niyang mamumuhay pa rin ng normal: “I'm at the sight of the people and live a normal life: public Mass in the morning, I eat at the dinning room with everyone else, etc.. This does me good and prevents any isolation.”
Tila walang katapusan ang mga kwento ng simple at mapagkumababang pamumuhay ni Pope Francis – mga katangiang nagbibigay inspirasyon at lalo pang naglalapit sa mga Katoliko sa kanya. — LBG/VC, GMA News
Tags: popemobile, papalvisit2015
More Videos
Most Popular