Filtered by: Topstories
News

Sundalo at anak niyang nambugbog ng batang nangangaroling, arestado


Piitan ang bagsak ngayon ng isang sundalo at kaniyang anak na lalaki matapos silang magwala sa gitna ng kalsada sa Davao City, kung saan nanutok pa sila ng guwardiya.

Ang pinag-ugatan ng gulo, ang panggugulpi ng anak sa isang 10-anyos na nangangaroling.

Sa ulat ni Shiela Vergara Rubio sa "Balita Pilipinas " nitong Miyerkoles, kinilala ang mga suspek na sina Sergeant Arlindo Estoce Menguito at ang anak nitong si Arlon Menguito, na nagwala raw sa Bamboo Guadalupe, Matina Pangi ng nasabing lungsod.

Isang kapitbahay nilang security guard ang nakakita sa pambubugbog ni Arlon sa bata kaya inawat niya ito, ngunit pinagbuntungan siya ng galit ng suspek, at tumulong pa ang sundalong ama.

Dito na siya tinutukan ng baril ng sarhento.

"Sinuntok niya (Sergeant Menguito) 'yung lalaki, tatlong beses. Dalawang beses sa likod, isang beses sa harap. Hindi lumaban ang guwardiya. Pumunta na lang sa police station," sabi ni Lex, isang saksi.

Binugbog din ni Arlon ang ina ng bata na una niyang sinaktan.

Ayon sa ulat, pareho raw naka-inom ang mag-ama.

Nabulabog naman ang mga residente sa pagwawala ng dalawa.

Nakuha sa mga suspek ang isang baril at magazine na may lamang anim na bala.

Napag-alamang may dati na rin palang insidente ng panunutok ng baril ang sundalo.

"Wala siyang ipinakitang papeles at hindi naman ito mukhang issued. Sa ngayon under verification pa pero dahil wala siyang maipakitang papeles sa ngayon, kakasuhan natin siya," sabi ni Police Chief Ronald Lao, hepe ng Talomo Police.

Mahaharap sa reklamong alarm and scandal, illegal possession of firearms at physical injuries ang nakakatandang Menguito at mahaharap ang kaniyang anak sa reklamong physical injuries at Violence Against Women and Children.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek. — Jamil Santos/BAP, GMA News

LOADING CONTENT