Filtered By: Topstories
News

Dingdong Avanzado speaks out on controversial Rufa Mae interview


Matapos manahimik ng ilang buwan, nagsalita na si Dingdong Avanzado tungkol sa iringan ng kanyang asawa na si Jessa Zaragoza at Rufa Mae Quinto tungkol sa nalathalang panayam ng huli sa isang magazine. At sa panayam sa singer-actor, halata ang hinanakit niya sa sumabog na kontrobersiya. Mula sa Amerika, dumating sa bansa sina Dingdong at Jessa kasama ang kanilang anak upang tapusin daw ang ilang bagay, kasama na ang tinawag niyang “unfinished business." “We came back to settle some unfinished business…vacation pero medyo marami lang kailangang tapusin bago bumalik dun (US)," pahayag ni Dingdong sa ulat ng StarTalk sa GMA 7 nitong Sabado. “Unang-una si Dingdong gustong dito mag-celebrate ng 40th bday…tapos ako naman I hope to finish may album hopefully by September…isa pa magkakaroon kami golf tournament sa Guam," idinagdag naman ni Jessa. Kasama kaya sa unfinished business nila ang kontrobersya kay Rufa tungkol sa artikulong lumabas sa isang magazine? Handa kaya silang harapin si Rufa upang ayusin ang gusot? “Honestly kung magkikita man kami willing ako anytime anywhere makipag-usap sa kanya. Kasi wala naman akong itinatago..nagsasabi ako ng totoo and ready ako sa kung ano man," paglalahad ni Jessa. “Sa akin wala rin problema yun kung magkita kami kasi sabi nga maliit ang mundo ng showbiz. Pero ‘di naman kami nakikipag-away sa kanya, in fact dapat tapos na ito last year pa," ani Dingdong. Inilahad na rin ni Dingdong ang kanyang saloobin sa naging iringan ng kanyang asawa at ni Rufa habang nasa US sila. “Actually galit hindi…medyo siyempre naiinis ka," pambungad ni Dingdong. “Saka lalo na ang perception ng tao sa showbiz everything is about perception. And kami tahimik ang buhay sa Amerika. We’re busy doing shows left and right pero ang private life namin we wanted talaga na low key nabuksan uli." Idinagdag ng singer-actor na hindi madaling kalimutan ang lahat sa dami ng mga pahayag na nasabi sa isyu maging ang mga tao na walang personal na nalalaman sa pinagtatalunang bagay. “Parang gusto mong i-sweep everything under the rug after you said something…tapos mong magsalita tapos sasabihin mo ganon na lang yun kalimutan na lang," ayon kay Dingdong. “Actually we subscribed TV here so nakikita namin ang mga statement nya… sa Internet nakikita namin ang mga pahayag nya, pahayag ng ibang tao, opinyon. Masakit kasi they don’t know the truth what really happened." Idinagdag pa niya na, “Sa akin lumabas ang katotohanan lang … let’s put things to rest lahat ng kung anong iniisp ni ganito ni ganyan. Let’s stick to the fact tutal the opportunity is here already. Ano ba talaga ang nangyari and in the proper time will bring it out di ba and from there on we move on." Ibig bang sabihin nito ay handa na siyang makipag-ayos kay Rufa? “I can’t really say..pero sino ba naman ang gusto ng may kaaway kaya nagulat kami na kailangan gumawa pa ng ganito. Hindi man lang nya inisip ang repercussion ng sasabihin nya. I mean kahit sabihin pa na karapatan nya yun pero I’m sure even the people around her will understand. I don’t really believe there’s a need for her to say those things," ayon pa kay Dingdong na nagpahayag na pagkakataon naman nila ngayon para marinig ang kanilang panig. Kasabay nito, pinabulaanan ng mag-asawa na iiwan na nila ang US at dito na sila mamumuhay muli. May mga balita pa na ibinenta na nila ang bahay nila sa Amerika. “Hindi siyempre. Babalik pa rin kami sa US," sambit ni Jessa. “Unang-una ginawa namin ito naging Green card holder kami hindi rin naman namin iti-take ang risk na para mawala ang pinaghirapan namin, di ba?" - GMANews.TV